
ISA ang nasawi habang 18 ang nasugatan habang labingwalong iba pang manggagawa ang patuloy na hinahanap sa naganap na trahedya kahapon dakong alas-4 ng hapon sa Binaliw Landfill kung saan bigla na lamang itong gumuho dahil umano sa tambak na naipong basura na hindi na kinaya pa kung kaya’t bumigay na ito.
Bukod sa nabanggit na bilang ay may siyam na manggagawa naman ang nasagip ng mga rescuer kagabi sa tinatayang mahigit siyamnapung manggagawa na nasa Landfill nang maganap ang naturang pagguho kung saan kinumpirma ni Cebu City Mayor Nestor Archival na may dalawampu’t pito katao ang na-trap doon kabilang ang 18 katao na pinaghahanap pa rin sa kasalukuyan.
Dahil dito ay pansamantalang ipinahinto ng Cebu City LGU ang pagtatapon ng mga basura sa Landfill upang pag-usapan at tukuyin kung ano ang tunay na naging sanhi ng naturang pagguho kasama ang mga operator ng Landfill upang maiwasan na maulit pa ang mga ganitong uri ng problema sa lugar.
Ang Binaliw Landfill ay ang itinuturing na pinakamalaking tapunan ng basura sa lungsod kung kaya’t ang pangyayaring ito ay makakapekto nang malaki sa koleksyon ng basura sa buong komunidad kung hindi agad mahahanapan ng mabilis at epektibong solusyon.
Ang Landfill na ito ay nagkaroon na rin umano ng mga isyu noong mga nakakaraang mga panahon dahil bukod sa polusyon na dulot nito ay pinangangambahan din na magkaroon nga ng mga ganitong pagguho dahil sa dami ng mga itinatapon na basura sa lugar kung saan ay nagkaroon na rin umano ng mga pagguho ng tambak ng mga basura dito noong nakalipas na taon.
Kasunod ng pansamantalang pagpapahinto sa operasyon ng Landfill mula kahapon ay hinihingi din ang pang-unawa ng publiko na labis na apektado nito at pinayuhan ng pamahalaang lungsod na mag-antabay sa mga anunsyo kung kailan ito muling babalik sa regular na operasyon nito.
Tiniyak naman ng pamahalaang lungsod ng Cebu na maipagkakaloob sa mga naging biktima ng trahedya ang mga karampatang tulong at suporta para sa kanilang mga pamilya.
