
LIMA katao ang nasawi kabilang na ang isang taong gulang na sanggol makaraang sumiklab ang isang malaking sunog sa Barangay Buting, Pasig City kagabi.
Batay sa ulat, naganap ang nabanggit na sunog dakong alas-10 kagabi Hunyo 4, 2025 sa isang residential area sa naturang lungsod kung saan limang katao na magkakamag-anak ang minalas na kasamang natupok ng nagngangalit na apoy sa ikatlo at ikaapat na palapag ng isang gusali.
Umabot naman sa siyam na kabahayan ang natupok ng apoy na sinasabing gawa sa light materials kung kaya’t mabilis itong kumalat.
Natagpuan ang bangkay ng sanggol sa sahig habang sa third floor naman nakita ang bangkay ng mag-iina at ang mag-amang biktima ay nasawi sa ikaapat na palapag ng gusali.
Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ang pinagmulan ng naturang sunog.