

TUMALIMA sa subpoena na inisyu ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang personalidad na kabilang sa 18 na dating mga sundalo na diumano’y bagmen ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co na nagsadya sa naturang tanggapan kaninang umaga.
Kasama ang kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod, dumating sa tanggapan ng NBI kaninang alas-9:40 ng umaga ang naturang mga sundalo na kabilang sa 25 personalidad na naisyuhan ng subpoena noong nakaraang linggo kabilang na ang 18-ex marines.
Ang subpoena na ipinadala sa kanila ng NBI ay sanhi ng isinagawang press conference noong February 24, 2026 kung saan ay isa-isang ipinakilala ng nabanggit na abogado ang 16 na ex-marines at dalawang dati ring sundalo na diumano’y kabilang sa mga naging tauhan ni dating kinatawan Zaldy Co na umano’y nakapagdeliver ng halagang umaabot sa P805 bilyong piso sa iba’t ibang mga personalidad na nabanggit sa kanilang affidavit na idinadawit sa maanomalyang flood control projects.
Walang anumang ibang detalye na nabanggit si Atty. Baligod kung bakit labing-anim lamang sa 18 na dating sundalo ang nakarating at hindi nakasama ang dalawa pang dating sundalo na kabilang sa grupo sa mga nagtungo sa NBI.
Matatandaan na inamin ng mga dating sundalo sa kanilang alegasyon na ilan sa kanilang binanggit na hinatiran nila diumano ng male-maletang pera ay sina dating House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos na agad namang pinasinungalingan ni Palace Press Officer Claire Castro at sinabi na ang naturang alegasyon ay bahagi ng isang “lousy script ” at bahagi pa rin ito ng smear campaign laban sa pangulo na galing sa kanyang mga kalaban sa pulitika.
