

UMAKYAT na sa kabuuang walo katao ang kumpirmadong nasawi sa naganap na malagim na pagguho sa Binaliw Landfill sa Cebu City noong Enero 8 matapos na muling makakuha ng dalawang bangkay sa isinasagawang operasyon ng rescuer sa lugar.
Bukod sa mga manggagawa na malubhang nasugatan sa nangyaring pagguho sa Landfill, may mahigit dalawampu katao pa ang kasalukuyang hinahanap na posibleng natabunan sa tambak ng basura na kinailangan pa umanong gamitan ng iba’t ibang mga kagamitan sa paghahalukay upang matanggal ang mga nakahambalang na mga istruktura na yari sa bakal.
Matatandaan na ang naturang Landfill na nasa ilalim ng pamamahala ng Prime Integrated Waste Solutions Incorporated ay aksidenteng nag-collapse at tuluyang gumuho na naging dahilan ng pagkasugat ng marami at pagkamatay ng ilang mga manggagawa rito na bago pa man umano nangyari ay nagkaroon na ng mga paalala at babala mula sa pamahalaang lokal ng nabanggit na siyudad.
Batay sa ulat, nakipagtulungan na rin sa isinasagawang search and rescue operations ang humigi’t kumulang 40 miyembro ng Philippine Army mula sa 525th Engineering Batallion at iba pang grupo ng tropa upang lalo pang mapabilis at mas maging magaan ang isinasagawang operasyon.
Naniniwala naman ang lokal na pamahalaan ng Cebu City sa pangunguna ng mga miyembro ng Sangguniang Lungsod na mayroon umanong dapat na panagutan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangyayaring ito dahil sa umano’y mga naging paglabag sa mga itinatakdang regulasyon ukol dito.
Ayon kay Mayor Nestor Archival Sr., hindi nila umano maaring desisyunan ang agad na pagpapasara sa Landfill dahil ito ay may kaukulang environmental clearance mula sa DENR na aniya’y dapat na manguna sa pakikipagtulungan sa pag-iimbestiga at sa mga desisyon tungkol sa operasyon sa Landfill.

