
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese nationals matapos silang ituro ng tatlong kasamahan bilang utak sa espiya laban sa Malacañang, mga kampo ng militar at pulisya, at maging sa U.S. Embassy.
Sa isang press conference nitong Martes, iprinisinta ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago ang mga suspek na sina Ni Qinhui at Zheng Wei, na nahuli sa isang operasyon noong Pebrero 20. Kasama nilang kinasuhan sa paglabag sa Espionage Act ang tatlong Pilipino na unang naaresto—sina Omar Khan Kashim Joveres, Leo Laraya Panti, at Mark Angelo Boholst Binza.
Ayon sa tatlong Pilipinong suspek, sila ay inupahan upang magmaneho sa mga pangunahing lokasyon, kabilang ang Villamor Airbase, Camp Aguinaldo, Malacañang, Camp Crame, at U.S. Embassy, kapalit ng buwanang bayad na P2,500 hanggang P3,000.
Matapos silang ikanta, tinungo agad ng mga operatiba ang condominium unit ni Qinhui sa Malate, Maynila, kung saan nadakip rin si Wei. Isinuko naman ng asawa ni Qinhui ang mga gamit, kabilang ang IMSI catchers (ICT), na ginagamit umano sa espiya sa loob ng Metro Manila.
Ang operasyon ay nag-ugat mula sa tip ng NBI-Cybercrime Division (CCD) at NBI-Special Task Force (STF) noong Pebrero 14, matapos ma-monitor ang kahina-hinalang paggamit ng IMSI catchers sa paligid ng mahahalagang pasilidad ng gobyerno.
Sa pamamagitan ng network monitoring, interference detection, at signal analysis tools, natunton ang isang rogue base station na ginagamit sa ilegal na surveillance.
Ipinaliwanag ng NBI na ang Rogue BTS (Base Transceiver Station) ay isang hindi awtorisadong base station na nagpapanggap bilang isang lehitimong cellular tower upang harangin, manipulahin, o guluhin ang mobile network communications. Karaniwan itong ginagamit sa espiya, eavesdropping, pagnanakaw ng data, at panghihimasok sa network.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang lawak ng operasyon ng grupo.