WALA!

WALA!

BAGAMA’T nakakabagot dahil ‘yun at yun din naman ang hinahalungkat at itinatanong sa ikalimang pagdinig sa Senado ay waring nagbigay-linaw naman ito sa ilang mahahalagang isyu na siyang tunay na dahilan kung bakit naroon sila at panay ang tanungan.

Iniimbestigahan kasi ng Senate Blue Ribbon Committee kung may nangyaring overpricing sa biniling medical supplies ng pamahalaan at hinahalukay nila kung may nangyaring anomalya sa nabanggit na transaksyon na pinamahalaan ng Department of Health (DOH) at PS-DBM.

Kinukuwestyon din ng Senado kung bakit ang isang maliit na kumpanya na tulad ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation na may maliit na kapital at financial assets ang nakakuha ng karapatan para sa bilyong halaga ng transaksyon sa pagitan nila at ng gobyerno ng Pilipinas.

Muli, ang ipinagigiitang anomalya ay hindi pa rin makita at ang pinanggigilan na overpricing sa mga medical supplies na binili ng gobyerno ay hindi napatunayan.

Si dating PS-DBM Chief Lloyd Christopher Lao na ilang ulit na ring humaharap sa pagdinig ay nanatili sa kanyang paninindigan na wala umanong pagkakamali sa bidding at proseso ng procurement ng DOH.

Sinabi ni Lao na walang pinakamahalaga para sa kanila sa mga panahong iyon kundi ang maipa-deliver ang mga inorder na items dahil ang gusto nila ay makakuha ng mga kinakailangang mga kagamitan partikular ang mga PPEs sa lalong madaling panahon.

Matatandaan na noong una pa man na humarap sa hearing si Lao ay sinabi niya na hindi naman umano hinihingi ng Bayanihan Law na piliin o kilatisin pa ang bidder na kukunan ng mga produkto kundi ang makasiguro na makakakuha ang gobyerno ng medical supplies na kailangan sa tamang presyo, kalidad at maidedeliver nang mabilis at maayos.

Tsk tsk tsk teka…sino ba ang gumawa at nagsabatas ng Bayanihan Law?

Hindi kaya nila alam ang tungkol sa sinasabi ni Lao?

Iginiit din ni Lao na binayaran lamang umano nila ang mga items nang narito na sa bansa ang mga ito at tiniyak din umano nila na tama ang kalidad at bilang ng kanilang mga inorder.

Sa tanong naman na bakit ang kumpanyang may maliit na puhunan at financial assets na tulad ng Pharmally ang maswerteng bidder na nakakuha ng bilyong halaga ng transaksyon, mismong si Senator Cynthia Villar ang nagpaliwanag na bilang isang negosyante, hindi umano imposible para sa isang maliit na kumpanya ang makakuha ng malalaking deal na gaya ng pangyayaring ito dahil karaniwan na may mga contact sila na malalaking kumpanya, supplier at distributor na may kakayahang mag-produce at makapag-deliver ayon sa deal na kanilang nakuha.

In short, kahit maliit lamang ang kanilang kapital ay puwede silang kumuha ng malalaking deal basta’t may contact sila at mga kadikit na malalaking kumpanya na may kakayahan para gawin at tapusin ang malaking pedido na kanilang nakuha gaya ng deal na ito.

Sa panig naman ng COA, wala anila silang nakitang anomalya sa naturang transaksyon dahil nai-deliver naman nang maayos ang mga inorder na items at naging maayos ang pagbabayaran.

Wala rin daw silang nasilip na overpricing tungkol sa pagbili ng mga medical supplies dahil 28 pesos ang suggested retail price ng face mask during that time ay naglalaro lang sa pagitan ng 13.50 at 27 pesos na halaga ng mga inorder ay mas mababa sa SRP kung kaya’t hindi na nila inisip na imbestigahan.

Sa pagtatanong naman ni Senator Ramon ” Bong” Revilla Jr. ay nilinaw niya at itinanong sa PS-DBM kung noong mga panahong iyon ay may SRP para sa face shields, PPEs at face mask.

At ayon sa naging sagot ng PS-DBM at DOH wala umanong SRP noon para sa face shield at PPE at ang concern nila noon ay makakuha ng mga nabanggit na kagamitan sa lalong madaling panahon para may magamit na proteksyon ang mga healthworkers.

Nilinaw din ni Revilla mula kay DOH Secretary Francisco Duque III ang tungkol sa isyu ng double billing o double payment sa mga inorder na medical supplies na inorder ng PS-DBM at DOH.

Ayon kay Duque, walang binayaran ang DOH matapos na mai-deliver ang mga items dahil nauna na umano ang bayad dito na kasama sa P42 billion na isinoli ng DOH sa DBM na siyang namahala sa pagbabayad nito.

Humarap na rin sa pagdinig ang dating adviser ni Pangulong Duterte na si Michael Yang at sinabi na wala siyang naging partisipasyon sa naturang deal sa pagitan ng Pharmally at ng gobyerno maliban sa pagiging middleman.

Hindi umano siya konektado sa Pharmally at wala siyang koneksyon sa nabanggit na kumpanya at wala rin siyang anumang ideya sa operasyon nito.

Kung walang natuklasan na anomalya sa pagbili ng gobyerno at kung walang overpricing sa biniling medical supplies, kung walang pagkakamali sa bidding at procurement,kung walang kinalaman si Yang sa Pharmally at kung walang problema kahit maliit ang kapital ng Pharmally Corporation…ano na lang ang problema?

WALA!!!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *