METRO MANILA SASAILALIM SA ALERT LEVEL 4 SIMULA SA SEPTEMBER 16-DILG

UPANG maibsan ang matinding pagkalumpo ng ekonomiya ng bansa dulot ng napakahabang pananatili ng COVID-19 na na hindi lamang nagpapahirap sa suliraning pang-kalusugan at pangkabuhayan ng mga mamamayan kundi pati na rin sa kalayaan na makakilos at makadiskarte ng kanilang ikabubuhay, sisimulan na ng pamahalaan na bahagyang paluwagin ang ilang quarantine restrictions sa buong Metro Manila simula sa darating na Setyembre 16.

Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, napagkasunduan na umano ng mga alkalde sa Metro Manila na isailalim na lamang sa magkakatulad na alert level ang NCR .

Sinabi ng kalihim na isasailalim sa Alert Level 4 ang Metro Manila at magtutulungan ang mga pinuno ng LGUs ng bawat lungsod upang mapababa umano ang bilang ng mga kaso na nadadagdag sa listahan ng mga aktibong mga kaso sa araw-araw at layunin din umano nito na dahan-dahang maibaba ang level hanggang sa mapagtagumpayan ang paglaban sa nakakahawang virus.

Ang Alert Level 4 ay ang pinakamataas na lebel na bahagi ng bagong diskarte sa pagkontrol sa COVID-19 na patuloy pa rin ang pagkalat sa kasalukuyan.

Dahil dito, mawawala na ang mga malawakang lockdown na sumasakop dati sa mga rehiyon, lalawigan at mga lungsod na tulad ng mga nangyari sa mga nakalipas na buwan o taon at sa halip ay mapapalitan na ito ng mga maliliit na granular lockdowns na sasakop lamang sa mga street, sitio o mga barangay na isasara depende sa kung anong level ang nararapat na pairalin sa kanilang lugar.

Layunin nito na makapag-concentrate ang pamahalaan sa mga lugar kung saan lamang matindi ang problema sa nakakahawang virus at ito na lamang ang isasailalim sa kung anong level na nararapat ito lamang ang isasara habang ang mga iba pang lugar na malapit dito na hindi naman apektado ay hahayaan na makakilos, makapaghanapbuhay at makapagsimula upang muling makabalik ang ating ekonomiya paunti-unti.

Sa ganitong paraan ay sabay na makokontrol ang pagkalat ng hawahan sa virus at ang dahan-dahan na pagbangon ng ating mga kababayan na naligmok sa kahirapan duloot ng kawalan ng diskarte at hanapbuhay na sinira ng walang humpay na pagsasagawa noon ng malawakang lockdown.

Lingguhan na gagawa ng mga desisyon ang Department of Health (DOH) kung ano ang mga magiging pagbabago sa mga alert levels na ipinaiiral sa mga iba’ ibat lugar na sasailalim dito na ibabatay naman sa bilis ng hawahan, intensive care utilization at hospital bed utilization.

Sa ilalim ng Alert Level 4 kung saan ang lugar ay may mataas na kaso ng hawahan at patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng sakit ay ipagbabawal ang pagbubukas ng mga sumusunod: indoor sports venues, amusement parks kasama ang mga kid amusement,gyms, leisure centers, mga bar, sinehan, gaming establishments,internet shops, arcades, pagsasagawa ng face-to-face classes.

Ipinagbabawal din ang mga social events tulad ng mga party at iba pang mga mass gatherings, gayundin ang pagbubukas ng ilang piling mga klinika tulad ng derma clinics, aesthetics, reflexology ar mga katulad nito.

Hindi rin pinapayagan ang pagbubukas ng mga museum, library, gallery.

Pinapayagan naman ang 30% capacity para sa mga salon, barber shops, hair spa na may mga upuan sa labas at 10% lang kung indoor.

10 percent lang ang pinapayagan sa indoor dining services at dapat ay mga bakunado lamang ang mga ito habang 30% capacity naman ang pinapahintulutan para sa outdoor dining.

Tungkol naman sa mga religious gatherings, 30% ang papayagan sa mga may outdoor na venues samantalang lilimitahan naman sa 105 lamang ang capacity sa mga indoor venues at para lamang yan sa mga may bakuna na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *