MASAHOL PA KAYO SA VIRUS!

57 lugar sa Metro Manila ang isinailalim na ngayon sa granular lockdowns sa pagsisimula ng implementasyon nito ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Biyernes.

At ayon mismo sa DILG ay halos lahat ng LGU sa NCR ay mayroong isinailalim sa granular lockdown.

Ito ay pagpapatunay lang po na talagang andiyan pa rin at talagang buhat na buhay pa rin po ang bagsik ng COVID-19.

Akala kasi ng iba ay hindi na gaanong mabangis ang COVID-19 at medyo puwede n tayo mag-relaks lalo na yung mga nabakunahan.

Marami po na bakunado na pero tinamaan pa rin ng virus.

Kaya kahit nabakunahan na po kayo ay hindi po yan nangangahulugan na ligtas na kato sa hawahan.

Napapansin kasi natin ngayon na dahil medyo niluwagan na ang paglabas ng mga tao para makapaghanapbuhay, marami naman ang mga lumalabas ng bahay kahit hindi naman essential ang lakad.

May mga nag-iikot lamang at gusto lang makalabas siguro dahil naiinip na rin sa loob ng kanilang bahay pero hindi natin sila masisisi kasi mahirap nga naman kasi yun lagi na lang para kang nakakulong.

Pero sana, kahit ganoon ay sumunod pa rin sila sa minimum health protocols para naman maging ligtas kayo pati na ang inyong mga makakasalamuha.

Kaya lagi nating paalala sa ating mga kababayan, mag-ingat po tayo lagi sa ating paglabas ng bahay baka si COVID ay andiyan lang sa inyong tabi.

OOOOOOOOOOOOOOOOOOOOoooooooooooooo00000000000000

Balik naman tayo dito sa mga animal na “walang hiya o walang kahiya-hiya” sa paggawa ng kalokohan.

Wala silang pakels kahit na alam nila na kalat na ang mga kalokohan na ginagawa nila sa ibang mga kasalamuha lang at katrabaho.

Singkapal na yata ng adobe ang pagmumukha ng mga taong ito.

Tao tayo na hindi naman naniniwala sa basta tsismis lang pero sabi nga, kapag may usok, may apoy…pero hindi naman sa lahat yan ng pagkakataon.

Masama din naman kasi yang nagbibintang walang pruweba.

Natawa na lang tayo nung may nakarating sa atin na balita na kahit patay daw ay sumasahod diyan sa isang kagawaran.

Ha ha ha eh ako naman hanggang wala akong nakikita na ‘kalansay’ na kumukuha ng sahod eh di naman tayo agad naniniwala…eh hindi nga raw kalansay kundi…’kaluluwa! ‘

Naku…malayo pa ang UNDAS…nangangaluluwa na kayo! Baka makarma kayo sa mga ginagawa ninyo riyan.

Kahit gaano kabuti ang isang pinuno, may mga tao talaga na kapag nailagay na sa mga puwesto ay parang mga gutom na aso.

Hindi na lang pagbutihin ang mga trabaho.

Hindi po tayo perpekto pero ayaw lang natin ng mga ganyan na ginagamit ang kanilang puwesto sa paggawa ng kalokohan magkapera lang.

Ang hirap lunukin niyan.

Tigilan nyo na yan dahil sa susunod papangalanan ko na kayo.

Masahol pa kayo sa VIRUS!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *