MERALCO,TROPANG GIGA WAGI!

PBA: Meralco deals Blackwater grim PBA record

IBINAON pa ng Meralco Bolts ang Blackwater Bossing sa kanilang ika-11 talo sa kumperensiyang ito, 104-97 habang tinapos naman ng TNT Tropang Giga ang elimination round sa pagdispatsa sa Alaska Aces, 103-85 sa pagpapatuloy ngayong Sabado ng Honda PBA Philippine Cup 2021 sa DHVSU Gym sa Bacolor, Pampanga.

Matapos na maagang malamangan sa unang quarter, 31-14 nagawa pang makalamang ng Meralco ng 29 points bago nakalapit nang bahagya ang naghahabol na Bossing sa limang puntos na agwat, 100-95 mahigit isang minuto na lamang ang natitira sa orasan.

Gayunman, nagawa pa ring manaig ng Bolts at iniangat pa ang kanilang koponan sa 7-2 panalo-talong record na naglagay sa kanila sa solong ikalawang puwesto sa team standings.

Ito naman ang ika-19 na diretsong sunod na pagkatalo ng koponan ng Blackwater na bumura sa 18 game losing streak na naitala noon ng prangkisa ng Great Taste taong 1980.

Nahirang na best player of the game si Allein Maliksi sa kanyang nahatak na 21 points at 10 rebounds.

Sa isa pang laro, namayani naman ang TNT Tropang Giga kontra Alaska Aces at agad na nagpasiklab ang mga bata ni coach Chot Reyes sa first half pa lamang kung saan ay nalamangan nila ang Aces ng 19 puntos, 28-47 sa huling mga minuto ng second quarter.

Gayunman, dahil sa pagsasanib puwersa nina Michael Digregorio at Abu Tratter nagawang makalapit ng Alaska sa tatlong puntos na agwat, 51-48 matapos ang ibinagsak nilang 11-2 run.

Subali’t ang TNT ay parang leon na lalo pang naging mabangis sa mga sumunod na minuto at nagawang makaalagwa muli sa pamamagitan ng pagpapaulan ng puntos sa pangunguna nina Mikey Williams at RR Pogoy.

Nakalamang pa ng 20 puntos ng TNT sa huling minuto ng laban, 101-81 may 52.5 seconds na lamang sa laro.

Tinapos ng Tropang Giga ang elimination round sa 10-1 win-loss record at nanatiling nasa unahan ng 12 koponan patungo sa susunod na round.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *