IKA-131 LABAS

IKA-131 LABAS

” BUTI naman nagising na kayo. Kumain na kayo para masayaran na ng mainit na sabaw ang inyong mga sikmura. Maaga pa kamo kayong aalis mamaya, ” wika ni Dondon.

” Oo, alas 3 ng hapon ay aalis na kami para mas mahaba ‘yung oras ng buwelo namin. Mabuti na ‘yung nasa site na kami habang nagdidilim. Para nakakasiguro na kung ilan ang kalaban na nasa loob, ” wika ni Bonnie.

” Okay, inihanda ko na ‘yung mga sinabi n’yong dalawa. kumpleto na ‘yung mga gamit at kargada nyo sa tig-isang bag. Nariyan na lahat…’yung mahiwagang lason na lang ni Bonnie ang wala diyan. ”

Tulad ng napag-usapan, maaga pa lang ay lumakad na ang dalawa.

Wala silang disguise na kahit ano at ang baril at maikling samurai ay nasa bag na lahat ni Bonnie kasama ang lason na ilalagay sa ihahagis na pagkain sa aso na bantay sa malaking bahay ni Vinz.

Pagdating sa lugar ay humanap muna ng malayu-layong puwesto na puwedeng maistambayan ang dalawa.

Dahil pareho naman silang nakasuot ng normal na damit ng isang lalaki, hindi naging mahirap para sa kanila ang pumasok sa kahit anong establishment nang hindi sila gaanong pansinin.

Hindi tulad ng kapag sila ay naka-disguise bilang madre o gay na napapalingon ang sinumang nakakakita sa kanila.

Naghintay sila ng ilang oras sa isang maliit na restaurant habang kumakain at umiinom ng beer at nang kumagat na ang dilim ay umalis na rin sila at naglakad patungo sa may gilid ng bakuran ng malaking bahay ni Vinz.

Umikot sa isang gilid ng mataas na pader si Bonnie at marahan na umakyat sa puno sabay hagis sa hawak niyang pagkain na may lason sa dalawang malalaking aso na na nasa may gilid ng gate.

Sa kabila naman ay naroon si Miller at inaantabayanan ang paglabas ng tao na nagbabantay sa loob ng malaking bahay.

Nagsenyasan ang dalawa at hinintay na umepekto ang lason sa dalawang aso na sabay na nilalantakan ang pagkain na inihanda ni Bonnie para sa kanila.

Nang makita ni Miller na unti unti nang nanghihina at nagbubula ang bibig ng dalawang aso ay sinimulan na niyang bumaba nang dahan dahan sa may malapit sa pinagtatalian ng mga aso.

Inihagis naman agad sa kanya ni Bonnie ang baril at maikling samurai at eksaktong nasalo niya ang mga ito ay biglang sumulpot mula sa pintuan ng bahay ang dalawang lalaki na kapwa armado ng baril.

Akmang bubunot ng baril na nakasukbit sa kanyang baywang ang unang lalaki na lumabas subalit maagap na naundayan agad niya ito ng matalim na samurai sa tagiliran kasunod ang isa pa na nahagip naman ang kaliwang kamay na may hawak na 9mm na baril. ITUTULOY

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *