WARRIORS, ISANG PANALO NA LANG!

WARRIORS, ISANG PANALO NA LANG!

NBA Finals Game 5: Warriors vs. Celtics

NAILAPIT ng Golden State Warriors sa isang panalong agwat ang kanilang pangarap na muling makuha ang kampeonato sa pangunahing liga ng basketball sa mundo matapos gibain sa Game 5 ng kanilang best of seven championship series sa 2022 NBA Finals ang Boston Celtics, 104-94 at umangat sa 3-2 panalo-talo sa Chase Center San Francisco.

Bagama’t inalat ang pambato ng Warriors na si Steph Curry na nagdala sa kanyang koponan sa kanilang panalo sa Game 4, nakapag-ukit pa rin siya ng double digit score (16 points) kahanay ang apat na iba pa.

Si Andrew Wiggins na nagdala sa kanilang mainit na opensa sa fourth quarter ay nakapagbato ng 26 points at 13 rebounds habang si Klay Thompson ay may ambag na 21 points at 15 rito ay nagmula sa arko.

Ang Celtics sa kauna-unahang pagkakataon sa serye ay nagwagi sa third quarter sa Game 5 kontra Warriors matapos magpaulan ng sunud-sunod na three point shots ay biglang nanlamya at kinapitan ng malas sa final quarter kung saan magkakasunod naman ang kanilang turnovers at pagsablay sa mga mahahalagang tira.

Buhat sa 51-39 pabor sa Warriors, bumanat sunud-sunod na three point shots sina Jason Tatum, Al Horford at Marcus Smart at nagawa pang makalamang ng 5 puntos, 66-61 may 3:40 pa sa ikatlong yugto.

Subali’t bago matapos ang third quarter ay nagpakawala ng dalawang three point shot si Jordan Poole upang muling maagaw ng Warriors ang manibela sa laban, 75-74.

Buhat doon ay hindi na tinantanan ni Wiggins ang pagsamsam ng puntos upang unti-unting ibaon ang Celtics sa fourth quarter kung saan napaangat pa ng GSW ang kanilang lamang sa 15 puntos, 99-84.

Si Jason Tatum ay may naitala na 27 points at 10 rebounds para sa panig ng Celtics.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *