MAHIGIT 300K HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA SA IBA’T IBANG LUGAR SA KYUSI

MAHIGIT 300K HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA SA IBA’T IBANG LUGAR SA KYUSI

Inihayag ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Remus B Medina, ang pagkahuli ng labing-apat na drug suspects at pagkakumpiska ng Php326,600.00 halaga ng shabu sa ikinasang magkakahiwalay na buy-bust operations sa Quezon City.

Kinilala ng Masambong Police Station (PS 2) sa pamumuno ni PLTCOL Imelda M Reyes ang tatlong suspek na kinilalang sina Jun Alqueza, 42 taong gulang; Mark Raingel Pedrozo, 34 taong gulang, parehong residente ng Brgy. Balon Bato, Quezon City; at si Nico Guarin, 30 taong gulang, residente ng Brgy. Sangandaan, Quezon City. Sila ay naaresto dakong ika-3:35 ng madaling araw noong Hunyo 16, 2022 sa harap ng Roosevelt Apartelle na matatagpuan sa kahabaan ng FPJ Ave., Brgy. Katipunan, Quezon City.

Nasamsam mula sa mga suspek ang pitong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php47,800.00, at ang perang ginamit sa transaksyon.Samantala, ayon naman sa report ng Galas Police Station (PS 11) sa pamumuno ni PLTCOL Richard Ian T Ang, kinilala ang mga suspek na sina Rosalyn Reyes alias “Roma”, 32 taong gulang at Steve Dalupan, 40 taong gulang, parehong residente ng Brgy. Damayang Lagi, Quezon City.Isang buy-bust operation ang isinagawa ng mga operatiba ng PS 11 dakong ika-12:50 ng umaga sa parehong araw sa kahabaan ng E. Rodriguez Ave., Block 4, Brgy. Damayaang Lagi, Quezon City matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa isang Confidential Informant tungkol sa iligal na gawain ng mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkaaresto. Nakumpiska mula sa mga suspek ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php102,000.00, isang cellphone, at ang perang ginamit sa transaksyon.

Samantala, sa isinagawang buy-bust operation ng Holy Spirit Police Station (PS 14) sa pamumuno ni PLTCOL Jeffrey Bilaro dakong 1:30 AM ng Hunyo 16, 2022 sa Pingkian 3, Visayas Ave. Extention, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City, naaresto ang dalawang drug suspects na kinilalang sina Mark Anthony Francisco alias “Duds”, 39 taong gulang at Allan Fernandez, 33 taong gulang, parehong residente ng Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang sampung gramo ng shabu na nagkakahalagang Php68,000.00 at ang perang ginamit sa transaksyon.

Sa isinagawang buy-bust operation ng Pasong Putik Proper Police Station (PS 16) sa pamumuno ni PLTCOL Vicente L Bumalay Jr dakong 10:10 ng gabi noong ika-15 ng Hunyo 2022 sa Malipaka St., Maligaya Park, Brgy. Pasong Putik, Quezon City, naaresto ang limang drug suspects na kinilalang sina Adrian Fajardo alias “Lits”, 23 taong gulang; Mark Paul Cotchoco, 18 taong gulang; Jurisa Servilla, 23 taong gulang, mga residente ng Brgy. Pasong Putik, Quezon City; Jason Villarubia, 34 taong gulang; at Aryzha Rain Mencias, 23 taong gulang, parehong residente ng Camarin, Caloocan City.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang sampung gramo ng shabu na nagkakahalagang Php68,000.00, isang cellphone, at ang perang ginamit sa transaksyon.Nagsagawa rin ng buy-bust operation ang Project 6 Police Station (PS 15) sa pamumuno ni PLTCOL Norman T Florentino dakong 11:00 ng gabi noong ika-Hunyo 15, 2022 sa kahabaan ng Dubai St., Sitio San Roque, Bgry. Bagong Pag-asa, Quezon City na nagresulta sa pagkaaresto nina Dominic Javier, 31 taong gulang, miyembro ng Bembol Drug Group, residente ng Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City at Pearl Joy Orde, 30 taong gulang, residente ng Brgy. Pag-asa, Quezon City.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php40,800.00 at ang buy-bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Lubos ang aking pasasalamat sa ating mamamayan sa Lungsod Quezon na nakikiisa sa ating kampanya laban sa ipinagbabawal na droga. Ang mga impormasyong kanilang isinusuplong sa aming himpilan ay isang malaking tulong para magampanan namin ang aming tungkuling panatilihin ang kapayapaan at kaligtasan ng komunidad,” pahayag ni PBGEN Medina. “Ikinalulugod namin ang pakikipagtulungan ng mamamayan sa sa layunin ng kapulisan na sugpuin ang iligal na droga sa ating nasasakupan. Makakaasa ang publiko na mas pag-iigihan pa namin ang aming serbisyo sa Team NCRPO,”wika ni PMGEN Felipe R Natividad, ang Regional Director ng National Capital Region Police Office.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *