RADIO BELL UMARIBA SA PHILRACOM 3RD LEG TRIPLE CROWN

UMARIBA si Radio Bell sa katatapos na 2022 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown stake race noong Linggo sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.

Winasak ni Radio Bell ang pangarap ni Basheirrou na makagawa ng kasaysayan na makopo ang three-peat title matapos magkampeon sa 1st at 2nd leg at naunsiyami sanang pang 13 kabayo na naka sweep ng Triple Crown Series.

Mahusay na nirendahan nii dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, ipinuwesto nito ang anak nina Sakima at Radioactive Love na si Radio Bell sa pang-lima sa largahan habang nagtatagisan ng bilis sa unahan sina Gomezian at top favorite Basheirrou.

“Masayang-masaya po ako sa pagkapanalo ko sa 2022 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown stake race,” sambit ni Hernandez na ang palayaw ay Uno sa race industry.

Sa kalagitnaan ng karera ay unti-unting umusad papalapit sa unahan ang pag-aari ng Bell Racing Stable na si Radio Bell upang pagsapit ng huling kurbada ay maungusan nito ang nauupos na si Basheirrou at Gomezian.

Nilagpasan ni Radio Bell ang meta ng may anim na kabayong agwat sa nasegundong si Jungkook sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.

Ang Radio Bell ay pagmamay-ari ni Horseowner Elmer de leon na ama naman ni popular volleyball player Bea de leon. Hinanda ni Donnie Sordan, nirehistro ni Radio Bell ang 2:07.6 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ang P2.1M premyo, habang napunta ang P787,500 sa second placer na si Jungkook.

Terserong dumating sa finish line si Enigma Uno, pang-apat si Gomezian na nakapag-uwi ng tig P437,500 at P175,000 ayon sa pagkakasunod.

Makikita sa larawang ito si dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez na nakasakay sa kabayong si Radio Bell na unang tumawid sa meta para magkampeon sa katatapos na 2022 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown stake race noong Linggo sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *