KAKULANGAN SA SILID-ARALAN, MALAKING HAMON SA DEPED SA PAGBABALIK NG FACE-TO-FACE CLASSES SA DARATING NA PASUKAN

DepEd, sinigurong tuloy na ang pasukan sa Agosto 22 ngayon taon - RMN  Networks

MALAKING hamon para sa Department of Education (DepEd) ang malaking kakulangan sa bilang ng mga silid-aralan sa mga paaralan sa buong Pilipinas kaugnay ng pagbabalik ng face-toface classes sa paparating na school year 2022-23.

Bukod sa dati nang malaking suliranin ng ahensiya tungkol dito, lalo pa umanong nadagdagan ang kakulangang ito dulot ng ilang magkakasunod na sakuna gaya ng bagyo, lindol at iba pa naganap sa iba’t ibang panig ng ating bansa.

Gayunman, tiniyak ng DepEd na nakahanda umano ang ahensiya upang matugunan ang pangunahing problemang ito sa darating na pasukan at sa kasalukuyan ay ginagawa nila ang lahat ng paraan upang kahit paano ay makatiyak ang mga magulang at guro gayundin ang mga mag-aaral na unti-unti ay mababawasan kung hindi naman agarang masolusyunan ang problema .

Bukod sa paglalagay ng mga dibisyon o paghahati sa mga classroom upang mas madagdagan ang bilang nito, iminumangkahi din ang pagkakabit ng mga tent na pansamantalang puwedeng gawing classroom ng mga estudyante sakali at may kakulangan pa rin ng mga classroom sa kanilang mga paaralan.

Pinangangambahan kasi ang pagkakaroon ng malaking bilang ng mga estudyante sa bawat isang classroom dulot ng kakulangan na ito sa mga silid-aralan na kung mangyayari ay malaking panganib sa kalusugan lalo na ng mga batang mag-aaral.

Kaugnay nito, umapela naman ang ahensiya sa mga local government units na alisin na ang mga COVID Isolation tents na hanggang sa kasalukuyan ay nakalagay pa sa mga paaralan upang magamit sa face-to-face classes.

Ikunukunsidera na rin umano ngayon ng ahensiya ang posibleng pagpapatuloy ng blended learning kung sakali at talagang kakailanganin upang makatulong sa problemang ito.

Siniguro naman ng DepEd na tuloy ang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 22, 2022 sa kabila ng malakas na lindol sa ilang mga lugar sa Luzon kamakailan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *