BIGONG PAGDUKOT SA ISANG BABAE HULI SA CCTV

BIGONG PAGDUKOT SA ISANG BABAE HULI SA CCTV

TINUTUGIS ngayon ng Caloocan City PNP at Northern Police District (NPD) ang isang lalaking suspek sa umano’y bigong pagdukot sa isang 19-anyos na babae sa Barangay 177 sa lungsod ng Caloocan.

Batay sa ulat, magsisimba sana ang biktima at naglalakad papunta sa sakayan ng jeepney nang bigla na lamang siyang lapitan at tinangka na dukutin at isakay sa sasakyan ng nakamotorsiklo na suspek noong nakaraang linggo na nagpakilala pa na isang pulis.

Kitang-kita sa CCTV sa barangay na huminto at bumaba sa kanyang sinasakyan na motorsiklo ang lalaking rider at pagkuwa’y naglakad papalapit sa biktima at tinangka na puwersahin na kunin ang babae subalit nang nagsimula nang dumami ang mga tao ay nagmamadali namang tumalilis palayo ang suspek.

Wala namang nagawa ang biktima kundi ang mag-iiyak at agad na tumakbo palayo sa lugar.

Ayon sa pulisya ay kasalukuyan na nilang pinaghahanap ang suspek at may mga itinalaga na rin umano sila na mga babaeng pulis sa kaso upang bigyan ng kaukulang proteksyon ang babaeng biktima kung kinakailangan.

Nagpakalat na rin umano ang NPD ng karagdagang mobile patrol sa buong siyudad upang tugisin ang suspek at maiwasan na rin na maulit ang ganitong pangyayari.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *