HUSTISYA HINDI PULITIKA!

HUSTISYA HINDI PULITIKA!

ANG pagbaril at pagpatay sa isang mamamahayag na ang tanging armas ay panulat at boses upang maiparating ang mensahe na nais niyang maipaabot sa mga mamamayan ay isang karuwagan.

Gawain ito ng mga taong sanay sa kawalanghiyaan.

Mga taong sanay pumatay at magpapatay ng mga taong hindi nila kayang tapatan nang harapan.

Si Percy Lapid ay isang beteranong mamamahayag na kilala sa pagiging ‘banatero’ sa kanyang programa sa radyo noon pa man at hanggang bago siya nabaril maging sa kanyang online broadcast program.

At hindi lang naman ngayon lang ‘yan bumabanat ng may kinalaman sa pulitika.

At sa kahit anong isyu, maanghang magkomento at ang kanyang paninindigan walang takot na lumalabas sa kanyang boses sa kanyang programa.

Hindi pinag-uusapan dito kung ano ang kanyang paniniwala, kung nasaan ang kanyang panig sa bawat isyu na kanyang tinatalakay at kung kritiko man siya o kampi sa pamahalaan.

At kahit gaano pa katindi ang kanyang pagbanat kaninuman…si Percy Lapid ay isang mamamahayag na may karapatang magsalita at sabihin kung ano ang nais niyang iparating na mensahe sa bayan sa pamamagitan ng kanyang programa.

At ang mga balang tumapos sa kanyang buhay ay hindi lang nagbigay ng walang pangalawang lungkot para sa kanyang pamilya kundi nag-iwan ng ngayon ng maitim na bakas para sa mga kabaro niyang mga mamamahayag.

Kabi-kabila ang pagkondena ng iba’t ibang mga grupo dahil sa ginawang pagpaslang sa kanya ng mga hindi nakilalang salarin.

Natural na ang unang nagpapakita ng kanilang pagkalungkot at paghingi ng hustisya para kay Percy Lapid maliban sa kanyang pamilya ay ang mga kapwa niya mga mamamahayag.

At natural na reaksyon lamang ito.

Pero ang ibang mga pulitiko at grupo na mga halatang nakikisawsaw na lang at gustong sumakay sa isyu para sa kanilang sariling interes at ang karamihan pa nga ay nagbibigay na agad ng kanilang konklusyon sa pangyayari at tinutukoy na agad sa kanilang mga isinasagawang pagpapahayag kung sino ang posibleng nagpapatay o nasa likod ng pagpatay sa biktima ay isang malinaw na panggagamit para lamang maisingit ang anumang kanilang ipinaglalaban.

Hindi pa man natatapos ang imbestigasyon ay mayroon na silang sariling suspek at parang siguradung-sigurado na sila sa kanilang mga pinagbibintangan.

At lagi nilang ikinakabit sa kanilang mga pahayag na si Percy Lapid ay isang kritiko nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng administrasyon ngayon ni Pangulong Marcos kaya sa kanilang mga inilalabas na pahayag ay nakatuon agad sa mga ito gayung ni hindi pa nga malinaw kung may kinalaman sa propesyon nito bilang mamamahayag ang naging dahilan ng pagpatay sa kanya.

Dapat ay hayaan nilang gumulong ang ginagawang imbestigasyon at huwag nilang unahan ang trabaho ng mga awtoridad na tumutugis sa mga tunay na salarin upang maibigay ang hustisya sa pagkamatay ni Percy Lapid.

At dapat ay huwag huminto ang panawagan tungkol sa pagkondena sa mga ganitong brutal na pagpatay sa mga mamamahayag at hindi ito matulad sa mga napatay mula sa hanay ng media na nalilimutan na lamang matapos mailibing.

Ang pagdalaw sa burol ng ating PNP chief at maging ng kalihim ng DILG ay malaking bagay at ito ay hindi lamang pagpapakita ng pakikiramay ng ating pamahalaan sa pamilya ng nasawi kundi pagpapakita ng pagsuporta at pabibigay katiyakan na seryosong tutulong sila upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanilang kaanak.

Kaugnay nito ay naging bahagi ng talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Manila Overseas Press Club (MOPC) na hindi umano pababayaan ng kanyang administrasyon ang mga mamamahayag at nakahanda ang pamahalaan na protektahan ang kanilang mga karapatan.

Kinilala rin ni PBBM ang kahalagahan ng mga mamamahayag bilang kaakbay ng bansa sa pag-unlad nito.

Kaya sa lahat ng mga nagbibigay agad ng kanilang komento at tumutukoy sa kung sino ang nasa likod ng naganap na pamamaril ay dapat maghinay-hinay muna at maghintay sa kung ano ang kalalabasan ng imbestigasyon ng mga awtoridad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *