TAMA SI JAY SONZA!

TAMA SI JAY SONZA!

NOON pa man at hanggang ngayon…wala talaga akong hilig manood sa youtube, mag-post sa facebook ng kung nasaan ako at kung ano ang kinakain ko o iniinom dahil likas akong mahiyain.

Kahit pa nga sinasabi ng asawa ko at mga anak ko na ang ‘wife’ ko daw ay computer at ang mga anak ko ay ‘chickens’.

Yup! Noon ay typewriter kasi ang ginagamit ko sa pagsusulat kaharap ang santambak na libro at magazines na reference sa kung anumang topic na sinusulat pero ngayon ay talagang iba na kaya’t sa ayaw natin at sa gusto ay talagang sa computer mas magandang magbabad dahil nariyan na ang lahat at di na kailangan pa ng mga libro dahil sa hiwagang dinala ng internet at ni pareng GOOGLE.

In short, gamit ko lang ang facebook, gmail at google sa pagsusulat at pag-eedit para sa online news website na pinoynewschannel.com kaya babad talaga ako sa computer.

Ang breaktime lang madalas ay ang feeding time ng aking mga imported gamefowls sa umaga at hapon o kung may iba pang kailangan akong gawin sa aking manukan na nasa tabi lang ng aking bahay.

Ang aking mga alaga na una ko pa raw tinatanong kung kumain na kapag bagong dating ako sa bahay…una pa sa aking asawa at mga anak.

Okay, dun tayo sa aking tunay na topic.

Kagabi habang nakikita ko ang aking anak na nagse-search ng gusto niyang panoorin sa youtube sa aming smart tv ay may nadaanan siya na nakatawag sa aking atensyon.

Ito ay tungkol sa isang komentaryo ng beteranong broadcaster na si Jay Sonza tungkol sa napakainit na isyu ng naganap na pagpaslang sa isang journalist o radio commentator na si Percy Lapid o Percival Mabasa sa tunay na buhay.

Pinanood ko ang video.

At hindi nasayang ang interes at oras ko nang matapos ko ang video dahil higit pa sa inaasahan ko ang aking natunghayan…hindi tsismis…hindi bolahan…iyon ay ang REYALIDAD kung ano ang tunay na kalakaran sa makulay na mundo ng MEDIA!

Nice one, Sir Jay!

Habang nagsasalita siya ay natatawa talaga ako…kasi noong komiks writer pa lamang ako noong late 80s ay pangarap ko na rin talagang maging reporter.

Kasi ang iniisip ko noon ay babanggain ko talaga lahat ng mga tiwaling pulis, mga pulitikong walanghiya, mga drug lord at mga negosyante na nagpapahirap sa masang pilipino.

At natupad ang pangarap ko.

Hindi lang reporter.

Mula sa pagiging isang provincial reporter ay naging sportswriter ako, sports editor ng iba’t ibang tabloid newspaper, naging news editor, editor-in-chief at ngayon ay publisher ng sariling online news website.

Pero… bigo ako na matupad ang tunay kong pangarap na tirahin at ubusin ang lahat ng mga masasamang tao sa ating lipunan sa pamamagitan ng talim ng aking panulat.

Noong narito na ako at kasama na ng aking kaluluwa ang makapangyarihang panulat ay hindi pala ganoon kadali na isulat mo ang kanilang mga ginagawang kawalanghiyaan para iyon ay matapos na agad.

Sa propesyong ito, tama si Jay Sonza…minsan ay kailangan mong hatiin ang iyong tapang at ilagay sa tama ang pagbibigay ng komentaryo sa isyu na nais mong talakayin.

Matuto kang magtimpi at ilibing sandali sa loob ng iyong dibdib ang mainit na emosyon na gusto mong ilabas pero ‘wag kang maging duwag na ilabas kung ano ang katotohanan ng pino at may pag-iingat sa iyong paksa…at sa iyong sarili.

At minsan ay natatawa na lang talaga ako at sumasagi sa aking isip na bakit ba hindi ko naisama noon sa aking pangarap na sana…sana ay maging superman, batman o iron man muna ako bago pumasok sa propesyong ito…hehehe!

Para hindi ako kayang patayin ng demonyong bumaril sa mga mamamahayag na gaya ni Percy Lapid!

At ang buhay media na tinalakay niya sa kabuuan ng video ay …ang TOTOO. WALANG LABIS WALANG KULANG!

Kung ano ang nilalaman ng napanood ko?

Panoorin n’yo kung intresado kayo!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *