
NAGTALA ng magkahiwalay na panalo ang Creamline Cool Smashers at Petro Gazz Angels makaraang talunin ang Cignal HD Spikers at Akari Power Chargers ayon sa pagkakasunod sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Sta Rosa Sports Complex sa Laguna.
Pinangunahan ng kanilang import na si Lindsey Vander Weide ang Angels sa pag-sweep sa tatlong sets upang makuha ang kanilang ikalawang panalo sa unang tatlong laro kontra Akari, 25-13, 25-14, 25-20.
Si Vander Weide ay nakapagtala ng 21 points kabilang ang 18 kills at 3 blocks habang si Mj Philips ay nakapag-ambag ng 11 points.
“It’s always great to win in three sets. The most important thing is we really played together today and we improved on the things we wanted to from the last game,” pahayag ni Vander Weide matapos ang 70 minutong laro. “It was a good win and obviously it’s always great to win in three sets.”
Ang panalong ito ng Petro Gazz ang kanilang naging mainit na pagbalik matapos na matalo sa Creamline noong nakaraang Martes.
“I think we just wanted to take it one game at a time after coming off from that loss,” wika naman ni Philips.
Dinomina ng Angels ang kabuuan ng laban at humataw nang husto at ibinaon ang Akari sa pinagsamang mga atake nina Philips at Vander Weide kung saan nangibabaw ang Petro Gazz sa 44-29 attacks.
Napanatili naman ng Creamline ang kanilang walang talong record sa team standings kapantay ang Cherry Tiggo Crossovers nang padapain nila ang Cignal HD sa pamamagitan ng apat na sets, 25-18, 22-25, 25-22 at 25-12.