PERSON OF INTEREST SA PERCY LAPID CASE NASA KUSTODIYA NA NG NBI

PERSON OF INTEREST SA PERCY LAPID CASE NASA KUSTODIYA NA NG NBI

NASA kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa itinuturing na person of interest sa naganap na pagpatay sa broadcast journalist na si Percival Mabasa na mas kilala bilang Percy Lapid.

Ang naturang POI ay nakaposas, nakasuot ng helmet at bulletproof vest at may escort na jail officers ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kagabi bandang alas-7 mula sa sinakyan nitong Cebu Pacific flight na nagmula naman sa Puerto Princesa Palawan at sinalubong ng mga operatiba ng NBI.

Ayon sa mga awtoridad ang POI na ang edad ay nasa pagitan ng 35 hanggang 50 anyos ay iniimbestigahan din tungkol sa pagkamatay ni Jun Villamor na itinuro ng self-confessed gunman na si Joel Escorial bilang middleman sa pagpaslang kay Lapid.

Una rito ay sinabi naman ng kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa na identified na umano ng mga awtoridad ang mga masterminds sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Percy.

Sa isang panayam ay sinabi ni Roy na nakipagkita siya kina Justice Secretary Jesus Crispin ” Boying ” Remulla at National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo de Lemos sa DOJ para sa isang case conference.

Bagama’t wala siyang binanggit kung ilang personalidad ang posibleng masampahan ng kaso ay kinumpirma naman niya na tinitingnan ng mga awtoridad ang tungkol sa pagsasampa ng kasong murder sa pagkamatay nina Lapid at Villamayor.

Si Villamor ay namatay sa loob ng New Bilibid Prison noong Oktubre 18, ilang oras matapos iharap sa isang press conference ang umaming gunman sa pagpatay kay Lapid na si Escorial na nagsabing ‘tagaloob’ ang kumontrata sa kanya upang itumba ang brodkaster at ang pangalan ay Crisanto Villamor.

Matatandaan na sinabi noong Sabado ni Justice Secretary Boying Remulla na tinitingnan nila ang dalawang persons of interests na posibleng mga mastermind sa pagpaslang kay Lapid at sa pagkamatay ng alleged middleman na si Villamor.

Ayon sa isang panayam kay Remulla ay sinabi nito na halos tapos na ang kanilang imbestigasyon at ang pagsasampa na lamang ng mga kaso at pag-identify sa mga masterminds ang kanilang tinututukan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *