PULIS! PULIS!

PULIS! PULIS!

IT’s nice to be back!

Matagal-tagal din po na hindi ninyo natunghayan ang ating kolum dito sa pinoynewschannel.com dahil medyo naging busy po ang inyong lingkod sa nakalipas na ilang linggo.

Salamat sa ating ‘Boss’ sa itaas at ngayon ay nabigyan na naman tayo ng panahon upang balikan ang paghahatid sa inyo ng mga impormasyon, balita at komentaryo.

Laman ngayon ng mga balita ang tungkol sa naging hatol ng korte sa isang pulis Caloocan kung saan guilty ang naging desisyon ng huwes laban sa isang PO1 Jeffrey Perez sa ginawa nitong pag-torture at pagtatanim ng ebidensiya sa 19 anyos na si Carl Arnaiz at ang 14 anyos naman na si Reynaldo ” Kulot ” De Guzman na napatay noong taong 2017.

Nasentensiyahan ang pulis na mabilanggo mula anim na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwan dahil sa paglabag sa section 4 and 14 ng Anti-Torture Act of 2009 sa mga biktimang sina Arnaiz at De Guzman, Reclusion perpetua o hanggang apatnapung taong pagkabilanggo matapos mahatulan na guilty sa kasong Planting of Evidence under section 29 of the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 and under section 38 of the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act para kay Arnaiz.

Magsilbing leksyon nawa ang kaganapang ito sa mga pasaway na pulis na ginagamit sa maling pamamaraan ang kanilang tungkulin at kapangyarihan.

Sa halip na maging kasangga ng mga mamamamayan ay sila pa ang gumagawa ng krimen at binabaliktad ang mga biktima na may mga ginawang iligal upang makalusot sa kanilang ginawang mga kabalbalan.

Pero hindi naman ito ang unang pagkakataon na may mga miyembro ng kapulisan na nasabit at nahatulan sa korte sa mga kaso na may kinalaman sa salvaging, rape, kidnap for ransom at kung anu-ano pa.

Hindi naman natitigil ang mga ganyang gawain ng mga awtoridad.

Hindi na nga natin alam kung bakit nagkakaganyan ang mga ilan sa kanilang mga kabaro samantalang nag-aral sila at nangarap na maging mga alagad ng batas at nanumpa sila sa kanilang mga tungkulin na itataguyod ang kaligtasan at katahimikan ng mga mamamayan.

Naniniwala ba kayo na nagsikap mag-aral at makatapos at nagpakahirap para makapasa bilang mga ganap na pulis ang mga ‘yan para lamang gumawa ng mga kalokohan habang sila ay nasa serbisyo?

Ano nga kaya ang pinag-uugatan ng mga maling desisyon at gawain na kinahahantungan ng ilang mga alagad ng batas na naliligaw ng landas sa gitna ng kanilang pagtupad sa tungkulin?

May pag-asa pa kayang makalos na lahat ang mga masasama at bulok na mga pulis tulad ng isang ito?

O sadyang kasama na sa hanay nila ang mga ganitong ahas na nagbibigay ng kahihiyan sa PNP?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *