PANAHON NA NAMAN!

PANAHON NA NAMAN!

MATINDI na at masakit sa balat ang init na dulot ng nakakapasong sikat ng araw lalo na sa oras ng katanghalian.

Isa ito sa senyales na nasa panahon na tayo ng semana santa.

Panahon na naman upang tayo ay mangilin, magmuni-muni, magbalik-tanaw at ituon ang banal na panahong ito upang kausapin at magdasal sa ating panginoon.

Ipagdasal natin ang ating pamilya, ang ating sarili, ang ating mga kamag-anak at kaibigan at ang kinabukasan natin at ng ating bayan.

Bagama’t samu’t sari at nagsasalimbayan ang mga iba’t ibang isyu ngayon sa ating bansa kung saan ay nahaharap ang mga pilipino sa isang mapaghamong panahon para sa isang bago at nakakapanibagong pamahalaan pagkatapos ng nakalipas na administrasyon ay dapat tayong magpatuloy at sumabay sa agos ng mga pangyayari at kaganapan.

Ito ang tamang panahon upang ipanalangin natin ang mga mahuhusay na pinuno at lingkod ng bayan na sana’y humaba pa ang kanilang buhay upang maipagpatuloy nila ang kanilang mga ginagawa para magpatuloy ang katahimikan at kaunlaran sa ating bayan.

Ipanangalangin na rin natin ang mga kabaligtaran nila na walang pagod sa paggawa ng masama, pangungurakot at panlalamang sa kanilang kapwa na sana ay magising sila at maging makatarungan, makatao at makadiyos iwasan ang kanilang mga balikong gawain na nagpapahirap sa bansa at mga mamamayan.

Ang Diyos ay hindi natutulog, laging gising at nakikita ang ating mga ginagawa.

Ang Diyos ay napakabuti at laging nakaalalay at nakasunod sa lahat ng ating mga ginagawa sa araw-araw.

Ang Diyos ay hindi nagsasawang magkaloob ng kanyang biyaya para sa lahat kahit ikaw ay mabuti o masama….matuwid o makasalanan!

At dahil ang kanyang pagtulong at paggabay sa atin ay tunay at walang pagkukunwari, sana’y iyon din ang gawin natin sa ating kapwa dahil sa pamamagitan niyon ay makakaganti tayo sa lahat ng kabutihan sa atin ng panginoon.

Sa mga korap na pulitiko, korap na mga pulis, korap na mga private citizen at mga korap ng korap hehehe magdasal po kayo at saglit na kumurap at tumitig sa poong maykapal at makiusap na sana’y patawarin kayo sa mga ginagawa ninyong mali sa ating bansa at mga mamamayan.

Patawarin po kayo ng ating panginoon.

At sa mga nawawalan ng tiwala sa kanilang mga sarili at sa ating panginoon, nawa’y maging mapayapa ang inyong kalooban sa panahon ng mahal na araw at malagpasan ninyo ang anumang mga suliranin sa ating buhay.

Ito ay kalakip na ng ating buhay at kasaysayan…tulad din ng panginoon na laging nariyan magpasawalang-hanggan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *