INIT NG PANANAMPALATAYA!

INIT NG PANANAMPALATAYA!

TULAD ng ating naisulat dito sa ating kolum noong nakaraang buwan tungkol sa papalapit na pagdating ng tagtuyot o el nino, ngayon ay talagang ramdam na ramdam na natin ang matinding init ng panahon sa paligid.

Hindi lamang sa mga lungsod at bayan nararamdaman ang kakaibang init lalo na ngayong panahon ng semana santa kundi kahit sa mga liblib na barangay kung saan nakakapaso sa balat ang sikat ng araw.

Sa ganitong panahon ay marami ang nag-uuwian sa kani-kanilang mga probinsiya at sinasamantala ang mahaba-habang bakasyon upang dumalaw sa kanilang mga mahal sa buhay na nasa malalayong lugar dito sa ating bansa.

Ang iba nga ay sa ibang bansa pa nagpapalipas ng holy week at bumbalik na lamang pagkatapos ng mahal na araw.

Hindi masama ang magbakasyon at samantalahin ang panahong ito para sa ating pamilya, mga kamag-anak at kaibigan upang magsama-sama at magtipon upang magsaya subali’t wag sanang makaligtaan na isali ang panginoon sa ating mga plano sa panahon ng semana santa.

Ito ang pinakamagandang pagkakataon upang tayo ay magpuri at magpasalamat sa ating panginoon.

Bagama’t ang inyong lingkod ay araw-araw na hindi nakakalimot sa pananalangin at pagsamba sa ating poong maykapal ay espesyal pa rin sa atin ang mga ganitong panahon kung saan ikinasisiya natin na makita ang lahat na isinasapuso ang kabanalan ng panahong ito upang kahit paano’y makapagbigay ng kanilang sarili upang paglingkuran sa pamamagitan ng dasal at pagsamba ang ating panginoon.

Marapa’t lamang na maibigay natin ang ilang bahagi ng ating panahon upang makipag-usap sa ating panginoon sa panahong ito na lubhang napakahalaga hindi lamang para sa atin kundi para sa kanyang nagpakasakit upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan.

Sa panahong ito ng semana santa ay pansamantala nating kalimutan ang galit sa ating dibdib at panibugho sa ating mga puso at isaisantabi muna ang mga gawaing may kinalaman sa ating pang-araw araw na buhay lalo na ang tungkol sa ating mga negosyo at hanapbuhay.

Ito ay panahon ng para sa ating pamilya at sa ating pananampalataya.

Ang panahon ng mahal na araw ay hindi para sa mga relihiyon, hindi rin para sa mga namumuno sa mga iba’t ibang sekta o samahang panrelihiyon kundi ito ay panahon sa mga taong nais ng tunay na katahimikan at pansamantalang kapayapaan.

Mapayapa at masayang panahon ng semana santa po sa ating lahat!

lAGI PO NATING ISAPUSO AT ISABUHAY ANG INIT NG ATING PANANAMPALATAYA PARA SA ATING MAHAL NA DIYOS!

( Para sa inyong reklamo o suhestiyon tumawag o magtext sa 0950 151 1929)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *