PNP CHIEF AZURIN JR. NAGHAIN NG COURTESY RESIGNATION

PNP CHIEF AZURIN JR. NAGHAIN NG COURTESY RESIGNATION

PINANGUNAHAN ni Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. ang pagtalima sa panawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos na maghain ng courtesy resignation ang lahat ng senior officials ng PNP na may ranggong heneral at colenel matapos mabulgar ang tungkol sa pagkakasangkot umano ng ilan sa kanila sa illegal drug trade dito sa bansa.

Sa isang media briefing ay sinabi ni Azurin Jr. na ito ay isang magandang pagkakataon para sa PNP na ayusin at linisin ang sarili nitong hanay at bilang pinuno ng organisasyon ay nakahanda umano siyang sumailalim sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng committee na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang madetermina at mapatunayan kung mayroon o wala siyang kinalaman sa kalakalan ng droga sa bansa o kahit pagkunsinti sa mga police officers na sangkot dito.

“Actually, lahat kami rito pati command group ko, we have already submitted. Nauna pa ‘yun command group ko na nag-submit sa akin,” wika ni Azurin Jr.

Ayon pa sa PNP chief, ang hakbang na ito ay isang mabisang paraan upang malinis ang kanilang hanay at mapatalsik ang mga anay sa organisasyon na sangkot sa mga iligal na gawain partikular ang iligal na droga at mapanatili ang mga tumutupad nang maayos sa kanilang mga tungkulin at inosente sa gawaing lihis sa kanilang sinumpaan.

Si Azurin Jr. na dating pinuno ng Northern Luzon PNP ay hinirang ni Pangulong Marcos upang pamunuan ang pambansang pulisya noong buwan ng Agosto ng nakaraang taon dalawang buwan matapos na siya ay maluklok sa Malakanyang.

Matatandaan na nitong Miyerkules ay nanawagan si Abalos sa hanay ng kapulisan para magsipagbitiw sa kanilang tungkulin ang mga matataas na opisyal ng PNP dahil sa sinasabing pagkakasangkot ng ilan sa kanila sa operasyon ng iligal na droga.

Sinabi ni Abalos na ang sinumang opisyal ng PNP na magsusumite ng kanilang courtesy resignation ay magpapatuloy lamang sa kanilang kasalukuyang posisyon at trabaho habang nag-iimbestiga sa kanilang records ang binuong 5-member committee at tatanggapin lamang ang kanilang pagbibitiw kung sila ay napatunayan na guilty sa pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Ayon kay Abalos, kung inosente at wala namang itinatago o involvement sa isyu ng droga ang sinumang opisyal ay wala itong dapat na ikatakot at sa halip, ang sinumang hindi susunod o magsa-submit ng kanilang resignation ay magiging kuwestiyonable.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *