BASKETBOL SA PILIPINAS PAURONG?

BASKETBOL SA PILIPINAS PAURONG?

KUNG kayo ay fans na ng RP Basketball Team noong late 60s at noong hindi pa nag-oopen ang professional basketball league sa bansa na Philippine Basketball Association (PBA) noong 1975 hanggang sa panahon ng RP Centennial Team noong 1998 ay walang duda na sanay na sanay kayo na pinanonood ang ating pambatong mandirigma sa hardcourt na buong GILAS na nakikipagbakbakan at lumalaban para sa ating bandila sa loob man o sa labas ng ating bansa na madalas na nag-uuwi ng mga kampeonato.

RP Youth Team at RP Men’s Basketball Team na binubuo ng mga pinakamahuhusay na manlalaro mula sa malalakas na koponan sa inter-collegiate at amateur basketball league na piling-pili, walang tapon at lahat ay nakahanda na sumabak sa laban para sa karangalan ng bayan.

Sa mga international competition na tulad ng Southeast Asian Games, Asian Games at FIBA World Cup ay umaani ng tropeo at karangalan ang ating basketball national teams kahit wala tayong imports.

Noong ang namamahala sa pagbuo ng ating pambansang koponan sa larong basketball ay ang Basketball Association of The Philippines (BAP) na pinalitan nitong napaka-cute na Samahang Bo– este Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay talagang tayo ang kinatatakutan at kinikilala sa buong Asya na pinakamahusay sa larong ito na hilig at pinakamamahal na sports ng mga pinoy…ang basketbol.

Noon kasi, isang taon pa bago ang kompetisyon ay pinagsasama-sama na ang mga mapipiling mga player na kasali sa line up ng RP Basketball Team na isasabak sa malalaking international competitions upang makapaghanda at makapag ensayo nang maayos para magkaroon ng malaking tsansa para sa korona.

Dahil nga sa BAP kaya isinilang ang PBA dahil nagrereklamo noon ang mga team owner ng mga commercial amateur league dahil may kapangyarihan ang BAP para kunin ang pinakamahuhusay na player ng bawat koponan sa liga upang makabuo ng isang malakas na national team.

Siyempre, kung makakakuha ng 3 o 4 na pambatong mga player sa isang koponan ay tiyak na hihina nga naman ang isang team dahil matagal-tagal ang pagsasanay at lalo pa kung ang kompetisyon ay sa ibang bansa pa gagawin.

Kaya para makaiwas ang mga teams sa ganyang kalakaran ay napagkaisahan na magtayo ng isang propesyunal na liga ng basketbol dahil noong mga panahon na yun ay bawal sumali sa mga international competition sa basketball ang mga professional basketball players.

At nang mag-open na ang PBA ay napanatili pa rin ng Pinas ang paghahari nito sa larong basketball dito sa ating rehiyon dahil na rin sa mahusay na pamamahala ng BAP at ng matining na paggiya ng ating mga pambatong basketball coaches na tulad ng mga manlalaro ng kanilang binubuong koponan ay naglalaro hindi para lang kumita kundi upang itindig ang karangalan ng ating bansa sa larong ito.

Sa mga huling mga taon ng dekada 90 ay unti-unti nang lumalakas ang iba’t ibang mga koponan ng basketball sa mga karatig na bansa at kapansin-pansin na pumapalag na ang mga national team ng mga bansa na dating tinatambakan ng ating RP Basketball Team at nahihirapan na rin tayo na kung minsan ay nauuwi pa sa pagkatalo ng ating pambansang koponan.

Hanggang sa binuwag na rin ang BAP at napalitan na nga nitong SBP na naitatag noong September 21, 2006 upang gawing makabago at maiangat ang sistema at programa ng ating pambansang koponan ng basketbol (DAW).

Gayunman, ang hindi mapigil na pag-unlad at pagtaas ng kalidad ng mga laro ng mga koponan ng basketbol mula sa iba’t ibang bansa na dating mahihina ay umangat nang husto at sa kabila ng pagsusumikap natin na makasabay ay patuloy ang ating paglubog kahit pa nga napakarami naman nating mahuhusay na basketball player sa inter-collegiate at propesyunal na liga na maaring isali kung saan pinahihintulutan na ang paglalaro ng mga propesyunal na basketball player para makalahok sa mga international competitions.

Napapailing na lang tayo kapag tinatalo ang ating koponan ng iba’t ibang koponan mula sa Asya at Middle East na dating tinatambakan lang natin.

Anyare?

Kunsabagay, kitang-kita naman ang malaking pagkakaiba ng paghahanda natin noon kumpara ngayon.

Kung yun nga’ng matagal na ang naging preparasyon ay natatalo na yun pa kayang bubuo ka ng national team na pagsasamahin mo sa loob lamang ng sampung araw?

At siguro ang mga dating miyembro ng ating RP National Team noon na mga nabubuhay pa ngayon gaya nina Jaworski, Paner, Fernandez, Adornado, Cezar, Co, Calma, Caidic atbp ay napapailing na lamang kapag napapanood nila kung paano tayo inilalampaso ng mga koponan na dating kakaning itik lamang noon kumpara sa atin.

Tsk tsk tsk paano tayong hindi ilalampaso kung ang programa at sistema natin ay wala sa tamang tono.

Paano tayong mananalo kung sampung araw na lamang ang international competition na ating sasalihan ay para tayong naghuhulaan sa blind item kung sino ang pipiliin na makasama sa roster ng binubuong national team?

Isipin na napakalakas, preparado at matataas ang ranking ng ating mga makakalabang koponan sa paparating na 2023 FIBA World Cup na tayo pa naman ang host tapos may mga player tayo na hinihintay pa mula sa ibang bansa, may pinagtatalunan pa kung may-injury o wala para mapayagan na isama sa praktis at hindi pa naisasapinal ang koponan na isasabak sa kompetisyon na hindi nga natin alam kung may tatalunin tayo.

Sabagay, pwede namang idahilan na lang ulit na kulang ang preparasyon kaya natalo tayo mga kababayan!

Tsk tsk tsk…

Paano tayo mananalo niyan kung ang pagpili na lang ng manlalaro na isasama sa line up ay hindi pa maintindihan?

Nakakabuwisit na manonood na naman tayo ng larong paborito natin pero hindi na tayo excited dahil iniisip nating ala tayong kalaban-laban at mapipilitan na lang tayong panoorin kung ano ang gustong ihanda sa atin ng mga tagapamahala ng ating pambansang koponan kahit alam natin na may mga player na dapat ay kasali diyan na wala sa line up at may mga nasa line up na hindi naman dapat na nariyan dahil napakaraming mas kwalipikado.

Hindi si Jordan Clarkson at Kai Sotto ang sagot sa malalim na problema ng basketball sa Pinas.

Pero siyempre, sa ayaw natin at sa gusto ay manonood tayo at susuporta sa ating pambansang koponan kahit pa umuusok na sa inis ang mga ilong natin…alangan naman kampihan mo yun mga Italyano at Dominican.

Hindi nyo ba napapansin… mas marami na ang nanonood ng Premier Volleyball League (PVL) ngayon kaysa PBA?

Bakit?

Sus, Itanong n’yo kay ONJING HAPON!

O ano…RAVENA O MULAWIN sa GILAS?

Pili na!

GUD LUCK, GILAS!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *