MULING mapapanood sa teleserye si Oriental Mindoro Vice Govn Ejay Falcon. Kasama siya sa cast ng “FPJ’s Batang Quiapo” na pinagbibidahan ni Coco Martin. Ani Ejay, “Bagamat lingkod bayan na po ako ay di naman mawawala ang pagmamahal ko sa pag-arte. Kaya nung natanggap ko yung offer para sa role na ito sa “Batang Quiapo,” sabi ko mahirap palampasin ‘to. Chineck ko din agad ang aking schedule at awa ng Diyos eh tugma naman. “Kaya hindi na ko nagdalawang isip pa at umoo ako na gawin ang project. Para din to sa mga nag-memessage sa akin na na-mimiss na akong makita sa telebisyon. Nami-miss ba niya ang umarte? Sagot ni Ejay; “Oo naman. Lalo pa ngayon na ibang-iba na ang mundo ko bilang bise gobernador. Nakaka-miss na may calltime ka, na nasa set ka at nasa harap ng kamera gumaganap ng isang papel.” Kumusta ang pakiramdam na makatrabaho si Coco Martin? “Siyempre, masaya na nagkasama kami uli. Si Coco kapag nakakausap ko yan madami ako natutunan sa kanya. Masaya siyempre yung naging kumustahan namin at isa pa rin siya sa pinaka-nirerespeto kong artista sa industriya. Actually, malayo pa lang ako noong dumating ako sa set ay sumigaw na po agad siya ng, ‘Vice Gov.’ At nakakatuwa na nagpasalamat siya sa akin na tinanggap ko yung role. Pero mas higit akong nagpasalamat sa kanya and naikuwento niya sa akin na very proud siya sa akin bilang lingkod bayan. Masaya rin akong muling nakita ang isa sa mentors ko at director ko sa Katorse na si Direk Malu Sevilla. Sa kanya ako nag-umpisa sa serye na Katorse at sa comeback ko ay siya pa rin ang direktor ko kaya nakakatuwa po talaga,” kuwento ni Ejay. Kung tuluy-tuloy na ba ulit ang pag-aartista ni Ejay ay hindi daw siya sure. “Depende pa rin po sa projects dahil sa ngayon prayoridad ko na maglingkod sa mga taga-Mindoro. Ibinigay nila sa akin ang kanilang tiwala at gusto ko siyempreng magampanan ang aking tungkulin. “Bukas pa rin tayo na gumawa ng projects mapateleserye o pelikula man yan pero definitely hindi ko mabibgay ang lahat ng oras ko para do’n.. Kung kaya ng schedule ko bakit po hindi,” lahad ng actor-politician.
WALLY PERALTA ENTERTAINMENT EDITOR