LAUNDRY SHOP SA MAYNILA SUMABOG DAHIL SA GAS LEAK, 16 KATAO SUGATAN

LAUNDRY SHOP SA MAYNILA SUMABOG DAHIL SA GAS LEAK, 16 KATAO SUGATAN

SUGATAN ang labing-anim na katao makaraang maganap ang isang pagsabog sa isang laundry shop dahil umano sa tagas ng isang tangke ng liquified petroleum gas (LPG) na nagdulot din ng sunog sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat ng Manila Police District- Malate Police Station 9 (PS-9), ang mga nasugatan ay kinabibilangan ng mga tauhan ng laundry shop, mga kostumer, tauhan sa kalapit na restaurant at bilyaran na malapit dito. Kabilang din sa mga biktima ang mga estudyanteng boarder ng dormitoryo at isang napadaan lamang sa naturang lugar. Lumilitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-7:20 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa 360 Wash and Laundry Shop nasa F. Reyes St., kanto ng Noli Agno St. sa Malate, na pagma-may-ari ni Sofia Ana Maria Ascaño.

Nagulantang na lamang umano ang biktima nang biglang may sumabog sa loob ng laundry shop at nang tingnan ang kanilang mga sarili ay may nagaganap nang sunog at pawang duguan na sila. Mabilis namang nakaresponde ang mga tauhan ng Manila Fire Department upang apulain ang naturang pagsabog, na naideklarang fireout dakong alas-7:34 ng gabi.Ayon kay MPD Director PBGen Andre Dizon, nagkaroon ng gas leak sa LPG tank ng laundry shop na nagresulta sa pagsabog. Isa umano sa idineliber na LPG tank ay hindi maayos na naikonekta nang nagdeliber kaya hinihinala na dito nagmula ang pagsabog.Nangako naman ang may-ari ng laundry shop na sasagutin ang gastos sa pagpapagamot sa mga biktima ngunit pinag-aaralan pa rin ng pamilya ng mga ito ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *