



HAPPY si Bugoy Carino dahil naisakatuparan na rin niya ang matagal na niyang inaasam na mag-propose sa ina ng kanyang anak na si EJ Laure, isang sikat na volleyball player. Naganap ang nasabing proposal noong September 7 sa mismong selebrasyon ng ika-21 taong kaarawan ng actor. “Thankful po ako dahil nagawa ko na iyong proposal.Masaya at least buo na kaming family,” panimula niya. “Actually, three months before the debut, di ko naisip na… pinag-pray ko po siya. Sinabi ko na bigyan ako ng sign. Tapos, nakita ko naman ang sign, so okay naman siya,”dugtong niya.
Sa ngayon daw ay pinagplaplanuhan na raw nila ni EJ ang kanilang kasal. Gayunpaman, wala pa raw silang petsa kung kailan idaraos ang kanilang pag-iisang dibdib. “Pinagplaplanuhan po namin na sana hindi po maulan para marami po ang makadalo,” pahayag niya. Tsika pa niya, marami raw well-wishers at dating mga kasamahan sa Hashtags ang bumati na sa kanila. “Noong proposal ko po, nandoon po ang Hashtags, tapos iyong ibang artist-friends ko po nandoon din,” pakli niya.
Wala pa rin daw silang lineup ng magiging ninong at ninang pero definitely iyong mga kasamahan daw niya sa defunct all-male dance group ay makakasama sa mga abay. “May mga nagpriprisinta po. Iyong iba nga, ayaw maging ninong kasi ang gusto nila abay lalo na iyong Hashtags,” ani Bugoy.
“Noon ngang nag-propose ako noong debut ko, na-pressure si Ronnie. Sabi sa akin ni Loisa: ‘O, prinessure mo naman si Kuya Ronnie mo, ikaw nag-propose na, siya hindi pa,” pahabol niya. Hirit pa niya, kung siya raw naman ang masusunod, isang church wedding ang bet niya para sa pagbubuklod nila ng partner.
Dagdag pa niya, wala pa rin silang balak na sundan ang kanilang anak na si Scarlet na sa ngayon ay five years old na. “Hindi po muna. Gusto po muna namang ma-enjoy iyong baby namin,” esplika niya. Tulad noong nakaraang birthday niya, imbitado rin daw sa kasala niya ang kanyang mga naging kaibigan at mga nakatrabaho sa ‘Goin’Bulilit’ noon tulad ni Belle Mariano.
Si Bugoy ay tampok sa pelikulang Huling Sayaw kung saan ginagampanan niya ang papel ni Danilo, isang probinsyano na nangarap na lumuwas ng Maynila para matupad ang kanyang pangarap na maging sikat na dancer sa kabila ng pagtutol ng ama.
Tampok din sa pelikula si Belle Mariano na siyang lumalabas bilang kanyang love interest. Idinirehe ni Errol Ropero, kasama rin sa cast sina Rob Sy, Ramon Christopher, Christian Vasquez, Emilio Garcia, Jeffrey Santos, Jao Mapa, Mark Herras, Zeus Collins at Mickey Ferriols. Iprinudyus nina Ronald Allan Guinto, Michael Andaya, Hon. Melvin Vergara Vidal at Hon. Amado Carlos Bolilia IV para sa Camerrol Productions, ang eksplosibong dance drama na ito ay palabas na sa mga sinehan sa buong bansa.
