
MATAPOS ang pansamantalang paggamit ng reenacted budget sa unang linggo ng taong 2026, pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang General Appropriations Act (GAA) para sa taong ito na nagkakahalaga ng kabuuang P6.793 trilyon na itinuturing na pinakamalaking national budget sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ang isinagawang maikling seremonya ay nagsilbing pormal na pagsisimula para sa pagpapatupad ng mga programa at mga mahahalagang gastusin ng bansa sa buong taon ng 2026.
Ang malaking bahagi ng nabanggit na pambansang badyet ay nakalaan sa edukasyon, kalusugan, food security, social protection at paglikha ng mga negosyo at hanapbuhay.
Nakatuon ito sa human capital development, medium at long term development plans ng pamahalaan at pamumuhunan para sa mga mamamayan.
Ang paglagda ng Pangulo ay isinagawa sa MalacaƱang kasunod ng kanyang pagpapaalala na ang pagpasang ito ng national budget ay pagsisimula pa lamang umano ng mas mahirap na tungkulin para sa tamang pagpapatupad at pagsiguro ng pananagutan dito.
Ito rin umano ang magsisilbing matibay na pundasyon para sa pag-unlad ng bansa at gayundin ay lalo pang mag-aangat sa ating ekonomiya upang magkaroon ng kakayahan para harapin ang mga pandaigdigang suliranin at hamon.
