




MATAGUMPAY na naisagawa ang unang bahagi ng pagsasakatuparan ng Medical Mission sa Taytay, Rizal sa pangunguna ni Mayor Joric Gaculakasama ang grupo ng NAGKAKAISANG TAYTAY at katuwang ang Munting Bata Clinic, Clinica Uy, Habacon Specialist at Habacon Cares Foundation.
Napagkalooban ang mga Taytayeño ng libreng serbisyong medikal at gamot mula sa kagandahang loob ng mga nagsilbing sponsors tulad ng Dapat and Domingo Law Office at Habacon and Han Law Office.
Layunin nito na maiparating sa mga higit na nangangailangan ang tulong na makakatulong sa kalusugan ng mga mamamayan na sa kasalukuyan ay hinahampas ng mga suliranin na may kinalaman sa mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang mga pangangailangan.
Sa pamamagitan ng mga proyektong tulad nito ay magkakaroon sila ng pagkakataon upang makalinga ang kanilang kalusugan ng libre at pansamantalang makalimutan ang mataas na halaga ng mga gamot at pagpapatingin sa mga manggagamot.
Sa panahon ngayon ay mas prayoridad ng mga mamamayan ang kanilang mga pagkain at pangunahing pangangailangan kung kaya’madalas ay naiisantabi ang mga suliranin na may kinalaman sa kanilang kalusugan.
Sana ay magkaroon pa ng maraming ganitong mga proyekto upang makatulong sa mga residente ng bayan ng Taytay sa mga darating na araw.


