
Tatlong indibidwal ang naaresto sa isang entrapment operation na isinagawa ng Manila Police District-District Intelligence Division (MPD-DID) sa Sta. Cruz, Maynila kamakailan.
Ang mga suspek, na kinilalang sina Marites Esedera, 34; Erdie Macaspac, 49; at Michelle Janaban, 31, pawang residente ng Sta. Cruz, ay nahuli dahil sa paggawa ng pekeng persons with disability (PWD) ID na ibinebenta sa Maynila, Quezon City, Pasig, Muntinlupa, at Angat, Bulacan.
Nahaharap ang tatlo sa mga kasong falsification of public documents at manufacturing and possession of instruments for falsification.
Ayon sa ulat, dakong 5:40 ng hapon nang salakayin ng MPD-DID Tracker team, sa pangunguna ni PCapt. Joel Aquino at sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol. John Guiagui, ang isang maliit na silid sa Barangay 310, Quezon Boulevard, Sta. Cruz.
Nauna nang nakatanggap ng impormasyon si Aquino tungkol sa ilegal na paggawa ng pekeng PWD IDs, kaya agad isinagawa ang entrapment operation. Sa operasyon, nasamsam ang iba’t ibang kagamitan tulad ng isang computer set, printer, isang pakete ng paper vellum, metal ruler, cutter, ilang pekeng PWD IDs, at P700 cash.
Batay sa imbestigasyon, sinimulan umano ng mga suspek ang kanilang iligal na gawain noong nakaraang taon. Ibinebenta nila ang bawat pekeng ID sa halagang P100 kung direktang ipapagawa at P200 kung dadaan sa fixer.
Bukod sa PWD IDs, lumabas din sa imbestigasyon na gumagawa rin sila ng iba pang pekeng dokumento tulad ng birth certificate, transcript of records, at certificate of employment.