Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Davao (NBI-Region XI) ang 55 Chinese nationals, 3 Malaysian, at 1 Pilipino matapos salakayin ang isang bodega sa loob ng dalawang ektaryang compound na hinihinalang nagsisilbing iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Panabo City, Davao del Norte.
Ang raid, na isinagawa kamakalawa gamit ang search warrant, ay kaugnay sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. Pinaniniwalaang sangkot ang operasyon sa syndicated estafa at online illegal gambling. Sa nasabing operasyon, nasamsam ang mahigit 50 computer units na naka-set up sa dalawang silid ng bodega.
Ayon kay NBI-Region XI Spokesperson Ely Leano, masusing susuriin ang mga nakuhang ebidensya upang patunayan ang iligal na aktibidad sa lugar.
Tulad ng mga naunang sinalakay na POGO hubs, natuklasan din sa loob ng warehouse ang sariling kitchen at dining room para sa mga manggagawa, kasama ang mga tagapagluto at tagapag-asikaso ng kanilang pagkain. Napansin din ang isa pang silid na nasa proseso pa ng konstruksyon, na tila bahagi ng pagpapalawak ng nasabing POGO hub.
Samantala, ibinunyag ng NBI na may ilang opisyal ng gobyerno ang pagpapaliwanagin matapos matukoy ang posibleng pagkakasangkot sa operasyon ng POGO sa nasabing lugar
