NAITALA ng mga awtoridad ang pagkaka-aresto ng mahigit 554 na indibidwal kaugnay ng paglabag sa election gun ban sa loob ng 19 araw mula nang ipatupad ito sa buong bansa, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado.
Ayon sa ulat, hanggang alas-7 ng gabi noong Enero 31, nahuli ang 521 sibilyan, 18 security guard, apat na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), apat na dayuhan, at iba pang indibidwal dahil sa iligal na pagdadala ng baril simula Enero 12.
Bunsod nito muling pinaalalahanan ni Comelec Chairman George Garcia ang publiko na sumunod sa batas sa halalan, partikular sa gun ban, na mananatiling epektibo hanggang Hunyo 11, 2025. Ang gun ban ay sinimulang ipatupad noong Enero 12, kasabay ng pagsisimula ng election period para sa May 2025 midterm national and local elections.
Kung sinuman ang mahuling lumalabag sa election gun ban ay maaaring maharap sa pagkakakulong at diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon kung mapapatunayang nagkasala.
Upang maiwasan ang anumang karahasang may kaugnayan sa halalan, ipinatutupad ang mas mahigpit na seguridad, kabilang ang gun ban at mga checkpoint.
Kaugnay nito, binabantayan din ang posibleng pang-aabuso ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng checkpoint upang matiyak na hindi malalabag ang karapatan ng mga mamamayan. Alinsunod sa itinakdang panuntunan, dapat na visual o plain view lamang ang inspeksyon, at ipinagbabawal sa mga pulis na buksan ang trunk o compartment ng sasakyan o magsagawa ng pagkapkap o frisking.