
Magde-deploy ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng halos 10,000 pulis simula ngayong unang araw ng Simbang Gabi hanggang Bisperas ng Pasko. Kasama rin sa pagbabantayan ang mga transportation hub dahil sa inaasahang dagsa ng mga biyahero pauwi ng probinsya.
Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Anthony Aberin, nakaposisyon na ang mga pulis sa mga simbahan kung saan may mga itinalagang Police Assistance Desks (PADs) at sa mga pangunahing lansangan. Dagdag pa rito, may naka-deploy din na mga pulis sa bus terminals para bantayan ang mga biyaherong nagsisimula nang umuwi.
Binigyang-diin ni Aberin na sa ganitong mga okasyon, tumataas ang insidente ng snatching at pandurukot kaya mahalaga ang presensya ng pulisya at barangay.
Bukod dito, sinabi ni Aberin na may karagdagang puwersa mula sa District Mobile Force Battalion at Regional Mobile Force Battalion upang matiyak na maagap ang pagtugon sa mga nangangailangan ng tulong.
Samantala, umapela si Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David sa mga pari na paghandaan ang kanilang homilies para sa Simbang Gabi. Ayon kay David, ito ang panahon kung kailan kailangan ng publiko ang paalala sa mga salita at gawa ng Diyos, kaya hindi dapat sayangin ng mga pari ang mahalagang pagkakataong ito.