Nahuli ang magkapatid sa Barangay Sta. Ana, Taguig City noong Biyernes ng gabi matapos masabat ang shabu at high-grade marijuana (kush) na may kabuuang halagang P741,000.
Ayon sa ulat na isinumite sa bagong talagang Southern Police District (SPD) Director na si Brigadier General Manuel Abrugena, ang mga suspek ay kinilalang sina alyas Rosario, 52, itinuturing na high-value individual (HVI), at alyas Rio, 54, na street-level individual (SLI).
Habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Taguig City Police Sub-station 4 bandang alas-11:30 ng gabi noong Disyembre 20, napansin ang kahina-hinalang kilos ng dalawa na may dalang handbag. Nang sila’y sitahin, natuklasan ang laman ng bag: 103 gramo ng shabu na may halagang P700,400 at 29 gramo ng kush na nagkakahalaga ng P40,600.
Ang magkapatid ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.