Pinuna ni Sen. Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services, si George Royeca, CEO ng Angkas, dahil sa umano’y hindi makatarungang pagtanggal sa mga riders na may hawak na non-professional driver’s license.
Sa pagdinig na isinagawa, binanggit ni Tulfo ang biglaang pagtanggal ng humigit-kumulang 100 riders na may non-professional license noong Disyembre 2024. Aniya, pinangakuan umano ng tulong ang mga riders na ito upang ma-upgrade ang kanilang lisensya sa professional level, ngunit hindi ito natupad.
“Nagbigay kayo ng pangako na tutulungan ang mga riders na ito para maging professional ang lisensya nila. Subalit hindi ninyo sila tinulungan hanggang sa masibak dahil nanatili silang may non-pro na lisensya,” ani Tulfo.
Dagdag pa ng senador, sa isang pagdinig noong Disyembre 2024, pinagsabihan ang Angkas na bawal kumuha ng mga non-professional riders, ngunit tila nabigo itong sundin ang kanilang responsibilidad sa mga apektadong empleyado.
Sa pagtatanong ni Tulfo, kinumpirma ni Royeca na pinahintulutan nila ang mga non-professional riders bilang pansamantalang hakbang upang magamit ang fleet habang sumasailalim ang mga ito sa dalawang buwang pagsasanay upang ma-convert ang kanilang lisensya sa professional level.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Tulfo na dapat tinulungan ng Angkas ang mga nasibak na riders na maabot ang kinakailangang akreditasyon para sa kanilang trabaho.