NAGSAGAWA ngayong araw ng mock elections ang Commission on Elections (COMELEC) bilang bahagi ng paghahanda para sa paparating na National at Local midterm elections na gaganapin sa buwan ng Mayo 2025 sa buong bansa.
Sinimulan ang mock elections kaninang alas-7 ng umaga na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na rito ang mga lugar ng Antipolo City, Pateros, Makati city at Sulu Province.
Layunin nito na masiguro na magiging maayos at sakto ang paghahanda sa darating na eleksyon partikular ang tungkol sa mga gagamiting machines sa isasagawang halalan.
Ang mid-term elections ang sinasabing magiging napakahalagang pagsusuri para sa pulso ng bayan sa kung ano ang magiging hatol nito sa uri ng pamamahala ng kasalukuyang mga nasa kapangyarihan.
Huhusgahan dito kung ibibigay pang muli ng mga botante ang kanilang tiwala sa mga kandidatong nasa panig ng administrasyon o ililipat na ang kanilang taya.