NAGPA-ABOT ng pakikiramay ang Estados Unidos sa pagpanaw ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na kabilang sa mga biktima ng banggaan ng eroplano at helicopter sa Washington, D.C.
“We mourn the loss of Police Col. Pergentino Malabed, who died in the recent Washington, D.C. plane crash. His service and commitment to upholding peace and security will never be forgotten,” pahayag ni U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa X (dating Twitter).
Si Malabed, na nagsilbing hepe ng PNP Supply Management Division, ay nasa opisyal na biyahe para sa pre-delivery inspection ng mga all-purpose vests nang mangyari ang trahedya.
Batay sa ulat, dinala ni Malabed ang mga vest sa U.S. para sa testing noong Enero 27. Matapos nito, nag-exit call siya sa police attaché sa Washington, D.C., at nagdesisyong bumisita sa kanyang kapatid sa South Carolina, sa pamamagitan ng Ronald Reagan Washington National Airport.
“Our hearts go out to his family and (PNP) colleagues at this time of great loss,” dagdag pa ni Carlson sa kanyang X post.
Samantala, nagpaabot din ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamilya ni Malabed sa isang pahayag noong Biyernes ng gabi.
Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa U.S. ang sanhi ng banggaan sa pagitan ng isang American Airlines Bombardier jet at isang Army Black Hawk helicopter sa Washington airport.