
Well-attended ang ginanap na birthday bash ng Queen of Maindie Films na si Madam Baby Go na ginanap sa Valle Verde Country Club sa Pasig kamakailan. Dinaluhan ito ng mga kilalang personalidad tulad nina Cory Quirino, Paolo Gumabao, Atty. Ferdinand Topacio, Direk Ralston Jover, Kate Brios, Direk Lester Dimaranan, producer Romeo Lindain at marami pang iba. Nandoon din ang kanyang pamilya at mga miyembro ng entertainment press na bumati at nagbigay ng suporta sa kanya. Siyempre, hindi mawawala ang paborito niyang multi-awarded at critically acclaimed international actor na si Allen Dizon na maituturing niyang isang BG baby.
“Paborito namin si Allen sa BG kasi napakahusay, napakabait at napaka professional. He’s like a family to us lahat ng okasyon andyan siya- sa mga festival abroad ang saya saya namin lalo na nun nagpunta kami sa Italy at Kazakhstan. In fairness lahat ng pelikula na nagawa niya sa BG nabibili at nagmamarka, kaya Allen is always our BG baby and family…” pagmamalaki ng butihing producer. Sobrang grateful naman ang Urian award winning actor sa tiwala ng lady producer sa pagbibigay sa kanya ng mga makabuluhang proyekto. “Malaki ang naging role ng BG Productions ni Mam Baby sa pag usad ng aking acting career. Proud ako na maging BG baby. Very grateful ako kay Madam,” pahayag ni Allen. Out of 16 films na nagawa ni Allen sa BG ay anim na pelikula ay pinagbidahan niya.
Nanalo rin siya ng best actor awards locally and internationally bukod pa sa acting nominations na nakopo niya under the said movie outfit. Ilan sa mga proyektong nagawa ni Allen sa BG Films International ay ang mga sumusunod: “Lauriana” with Bangs Garcia na idinirehe ng namayapang direktor na si Mel Chionglo at sinulat ng National Artist na si Ricky Lee; “Sekyu” kasama sina Sunshine Dizon at Melai Cantiveros na kolaborasyon nina Joel Lamangan at Ricky Lee; “Iadya Mo Kami”, isang Mel Chionglo megger na pinagbibidahan nina Aiko Melendez, Ricky Davao, Diana Zubiri at ang late acting legend na si Mr. Eddie Garcia; “Area” tampok ang Comedy Queen AiAi Delas Alas mula sa iskrip ng Gawad Urian awardee for best screenplay Robby Tantingco at direksyon ni Louie Ignacio; “Latay (Battered Husband)” tampok si Lovi Poe sa direksyon ni Ralston Jover; at “Abenida” ni Louid Ignacio kasama sina Katrina Halili, Joel Lamangan at Gina Pareno in the stellar cast under Ralston Jover’s script. Bukod sa pagdalo ni Allen, pinakamalaking pasabog din ng gabi ang showing ng kanyang short film na “Madam” na pinagbibidahan niya at angkop na angkop na title roler sa kanya.
“Ideya ito nina Direk Ralston, Dennis (Evangelista) at noong mga direktor na kasamahan natin, “sey ni Madam Baby. Aniya, ang pagpapalabas daw ng nasabing short film na idinirehe ng award-winning filmmaker na si Ralston Jover ay isang pagdiriwang ng pagtuntong sa kanyang ika-60 taong kaarawan. “Gusto kong i-celebrate iyong mga taong nandito ako sa showbiz. Happy ako na sa dami ng aking pinagdaanan, mula noong nagsisimula pa ang BG at maging noong nag-pandemic, nandito pa rin kami. Masaya ako at nagpapasalamat na umabot kami ng almost 12 years ,”hirit niya. Hindi rin daw naman siya nahirapang idirek ni Direk Ralston dahil madalas ay may cameo performances siya sa mga pelikulang ginagawa niya under BG Films.
“Iyong pag-arte naman, lumalabas na rin tayo sa mga projects ng BG. So, hindi na ako masyadong nahirapan,”paliwanag niya. Ang nabanggit na short film daw ay nakatakdang ilahok sa mga film festivals sa bansa at sa abroad. Dagdag pa niya, marami raw dapat abangan na mga proyekto sa kanyang produksyon dahil tuloy-tuloy pa rin daw ang paggawa nito ng mga makabuluhang pelikula sa 2025. “May mga gagawin sa amin sina Direk Louie, Direk Joel at iyong iba pang mga resident directors ko. Tapos, nandiyan sina Allen. So, marami ang dapat abangan,” hirit niya. For 2025, sa mga naka-line up na pasabog na projects ng BG -dalawang pelikula ang nakatakdang gawin ni Allen Dizon sa nasabing home of maindie films na nakatakdang ipalabas sa mga prestihiyosong international film festivals abroad at sa streaming platforms.
Una rito ang reunion movie nila ng internationally acclaimed director Ralston Jover na nagbigay sa kanya ng A-Lister Best actor from Warsaw. Ikalawa rito ang nakakaantig na kuwento mula sa MMFF best picture director na si Zig Dulay (“Firefly” at “Green Bones”). Si Dulay din ang director ng Magpakailanman episode sa GMA-7 na nagbigay kay Allen ng Best Actor in a Single Performance award sa kinikilalang academe based “Gawad Tanglaw” kung saan gumanap si Dizon na closet gay turned transwoman.
