
INAASAHAN na magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 21, sa ilalim ng ika-20 Kongreso, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Lunes.
Bagaman magbabalik ang sesyon ng Senado sa Hunyo 2, magkakaroon ng “Sine Die Adjournment” hanggang Hulyo 27, kung kailan idaraos ang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at opisyal na magsisimula ang ika-20 Kongreso.
“Pinaka-malamang kapag pumasok na ang bagong Kongreso sa kanilang mga tungkulin. Ibig sabihin, pagkatapos ng SONA. Sa tingin ko, nasa Hulyo 21 ang SONA (sic), kaya ang paglilitis ay magsisimula pagkatapos ng petsang iyon,” pahayag ni Escudero.
Dagdag pa niya, walang dahilan upang magpatawag ng special session para sa impeachment trial ni Duterte.
“Wala akong planong humiling ng special session sa Pangulo. Hindi ito kabilang sa mga kadahilanang dapat ipatawag ng Senado ang isang special session,” ani Escudero.
Ipinaliwanag din niya na sinuman ay maaaring lumapit sa Korte Suprema upang kuwestiyunin kung may karapatan bang litisin ng mga senador ng ika-20 Kongreso si VP Sara, kahit na ang Articles of Impeachment ay ipinasa noong ika-19 Kongreso.
“Malaya silang magtanong… pero ano ang gusto nilang gawin namin? Parang exam ng grade three—‘Finish or not finish, pass your paper’? Hindi pa tapos magpresenta ng testigo ang prosekusyon at depensa tapos bigla na lang boboto o ididismiss ang kaso? Ganun ba?” tanong ni Escudero.
Aniya, walang probisyon sa 1987 Constitution na nagpapahintulot sa Kongreso na magpatawag ng espesyal na sesyon para sa impeachment trial.
Binigyang-diin din niya na hindi niya papansinin ang mga partidistang panawagan kaugnay ng impeachment, sa kabila ng pagpilit ng ilang grupo na simulan agad ang paglilitis sa pamamagitan ng isang special session.