


Hindi maitago ni Bianca Umali ang kanyang kilig habang inaalala ang isang ‘di malilimutang sandali kasama ang nag-iisang Superstar, Nora Aunor, sa set ng pelikulang ‘Mananambal’.
Sa naganap na media conference noong Pebrero 6 sa Viva Café, ikinuwento ni Bianca kung gaano ka-magical ang kanilang huling eksena.
“I was very nervous to do that scene and it was one of those days na kaming dalawa [Nora] lang po yung magkasama nun on set. It was not a comfortable situation to be in pero being there with her and seeing her acting as if she was as young as she used to be, it was magical,” ani ng aktres.
Para kay Bianca, hindi lang isang eksena ang kanilang ginawa kundi isang masterclass sa pag-arte.
Si Bianca Umali ay bunga ng isang bagong henerasyon ng mga de-kalibreng aktres.
Mula sa kanyang pagsisimula sa industriya hanggang sa pagiging isa sa pinaka-prominenteng young actresses ng kanyang henerasyon, patuloy na pinapakita ni Bianca ang kanyang husay sa pag-arte. Sa ‘Mananambal’, ipinamalas niya ang lalim ng kanyang talento bilang si Alma, isang matapang na dalagang nais kumawala sa anino ng kanyang ina.
Sa kanyang pagganap sa pelikulang ito, mas napatunayan niya kung gaano kahalaga ang dedikasyon at pagmamahal sa sining. Inspirasyon niya ang husay at passion ni Nora Aunor, na labis niyang hinangaan sa kanilang mga eksena.
“Ayun yung sinasabi ko na masterclass because I dream of being like that,” aniya.
Bukod sa kanyang talento, hinahangaan din si Bianca dahil sa kanyang paninindigan na maging inspirasyon sa iba, katulad ng ginawa ni Nora Aunor sa maraming artista sa industriya.
“No matter how cruel this world is you hold on to what you love doing and you do it to inspire people and to be kinder to the people around you,” dagdag pa niya.
Isa rin sa mga pinaka-importanteng natutunan niya mula kay Ate Guy ay ang halaga ng tiwala at respeto sa kanyang mga kapwa aktor.
“The level of kung paano po siya magtiwala sa mga katrabaho niya, regardless kung ano po ang posisyon. Isa po kasi yun sa mga learnings ko as one of the new generation of actors dito po sa industriya, kung gaano po kahalaga ang healthy and collaborative working environment and isa po yun sa nakita ko kay Ate Guy,” pagbabahagi ni Bianca.
Puring-puri ni Bianca si Nora Aunor at labis siyang nagpapasalamat dahil nabigyan siya ng isang pambihirang pagkakataong makatrabaho ang nag-iisang Superstar.
“Hindi po lahat ay nabibigyan ng ganitong opportunity to work with Ms. Nora Aunor. I am just very grateful and thankful,” sabi ni Bianca
Ang ‘Mananambal’ ay isang pelikulang susubok sa tapang ng manonood. Isa itong nakakatindig-balahibong horror film. Umiikot ang kwento sa isang grupo ng mga content creators na gustong mahanap si Lucia (Aunor), isang mananambal na nag-viral dahil sa kanyang misteryosong kakayahan sa panggagamot. Sa kanilang paghahanap, makikilala nila si Alma (Umali), ang matapang na anak ni Lucia na ayaw sundan ang yapak ng kanyang ina.
Ngunit dahil sa kasakiman at fame-hunger ng grupo, unti-unting mapapahamak ang kanilang buhay. Sa kanilang pagbabalik sa Maynila, masusundan sila ng isang bangungot na puno ng misteryo, takot, at kamatayan.
Sa direksyon ni Adolfo Alix Jr., tampok din sa pelikula sina Edgar Allan Guzman, Jeric Gonzales, Martin Escudero at si ‘Adamus’ ng Encantadia Chronicles: Sang’gre, ang Kapuso hunk/actor na si Kelvin Miranda.
Huwag palampasin ang ‘Mananambal’ — ang nakakabagabag na horror masterpiece — na ipapalabas sa buong bansa simula Pebrero 19!


