


Si Kelvin Miranda ay patuloy na umaarangkada sa kanyang karera, mula sa paggawa ng mga de-kalibreng pelikula hanggang sa pagganap sa pinakamalalaking proyekto sa telebisyon. Isa siya sa mga pinakainaabangang aktor ng kanyang henerasyon, na patuloy na nagpapakita ng kanyang husay at dedikasyon sa sining ng pag-arte.
Ngayong Pebrero 19, 2025, muling matutunghayan si Kelvin sa ‘Mananambal’, isang madilim at kapanapanabik na horror film na idinirehe ng batikang si Adolfo Alix Jr.. Bagama’t hindi siya ang pangunahing bida sa pelikula, itinuturing niyang isang malaking karangalan ang makatrabaho ang Superstar at Pambansang Alagad ng Sining na si Ms. Nora Aunor. Ayon kay Kelvin, handa siyang gawin ang lahat upang maging bahagi ng isang proyekto kasama ang nag-iisang Superstar, na isa sa kanyang mga iniidolo sa industriya.
Bukod kay Kelvin at Nora Aunor, tampok din sa pelikula sina Bianca Umali, Edgar Allan Guzman, Jeric Gonzales, at Martin Escudero. Ang kwento ay umiikot sa isang mananambal, isang tradisyunal na manggagamot, at ang mga misteryong bumabalot sa kanyang buhay. Isa na namang nakakapanindig-balahibong obra ang hatid ng pelikulang ito, kaya huwag palampasin ang pagpapalabas nito sa mga sinehan sa buong bansa.
Mula pelikula, patungo naman si Kelvin sa mundo ng Encantadia. Bukod sa ‘Mananambal’, abala rin si Kelvin sa kanyang fantaserye na ‘Encantadia Chronicles: Sang’gre’. Gagampanan niya ang papel ni ‘Adamus’, ang tagapangalaga ng brilyante ng tubig, kung saan masisilayan ang kanyang intense na fight scenes at kahanga-hangang costume bilang Sang’gre ‘Adamus’. Ang ‘Encantadia Chronicles’ ay isa sa pinaka-inaabangang fantasy series sa bansa, kaya’t siguradong aabangan ng fans ang pagganap ni Kelvin bilang isa sa pinakamalalakas na karakter sa kwento.
Hindi lamang sa pelikula at telebisyon abala si Kelvin. Isa rin siyang highly sought-after model at brand endorser para sa iba’t ibang produkto at kumpanya. Ang kanyang natural na karisma at kahanga-hangang presensya ay naging dahilan upang piliin siya ng maraming brands bilang mukha ng kanilang mga produkto.
Bukod dito, tinuturing din siyang isang crowd favorite sa mga out-of-town shows, kung saan patuloy siyang tinatangkilik ng kanyang fans. Kamakailan lang, naging bahagi siya ng isang malaking show sa Tuguegarao, Cagayan, kung saan nakasama niya sina Piolo Pascual at ang Gonzaga sisters—Toni Gonzaga-Soriano at Alex Gonzaga-Morada. Ang nasabing event ay dinagsa ng libu-libong tagahanga na nagnanais makita ang kanilang mga paboritong artista, kabilang na si Kelvin.
Sa kanyang batang edad, nakamit na ni Kelvin ang maraming tagumpay, kabilang na ang ‘Most Prolific Dramatic Actor Award’ mula sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Tokyo, Japan noong 2024 para sa kanyang pagganap sa pelikulang ‘Mananambal’. Dahil sa kanyang husay, determinasyon, at pagmamahal sa kanyang craft, patuloy siyang nagiging inspirasyon sa kanyang mga tagahanga.
Si Kelvin ay kasalukuyang nasa pangangalaga ni Tyronne Escalante bilang kanyang Manager. Marami pang mas malalaking proyekto ang nakaabang para sa kanya. Asahan ang mas marami pang pelikula, teleserye, endorsements, at international recognitions para sa isa sa pinaka-mahusay at promising na aktor ng kanyang henerasyon.
Huwag kalimutan! Panoorin ang ‘Mananambal’ sa Pebrero 19, 2025, at abangan si Kelvin Miranda bilang Sang’gre ‘Adamus’ sa ‘Encantadia Chronicles: Sang’gre!’ Malinaw na si Kelvin Miranda ay isa sa pinakamalalaking bituin ng industriya—at lalo pa siyang magniningning sa mga darating na taon.

