
Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko laban sa mga fixer na nag-aalok ng mabilisang pagproseso ng serbisyo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
“Muli naming pinaaalalahanan ang ating mga kababayan na huwag makipag-ugnayan sa mga fixer o middleman na nag-aalok ng tulong sa pagpapasa ng mga requirements para sa alinmang programa ng ahensya, lalo na sa Crisis Intervention Unit (CIU)-Satellite Offices,” ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Upang higit pang mapadali ang proseso, inanunsyo ni Dumlao na mas pinaunlad na ang CIU-Satellite Offices sa Metro Manila upang mas madaling ma-access ang AICS program para sa mga nangangailangan ng medical, burial, o financial assistance.
Narito ang mga designated satellite offices para sa mga kliyente sa iba’t ibang lungsod:
• Legarda Satellite Office (Jaime Dela Rosa St. kanto ng Dalupan St., Sampaloc, Maynila) – Para sa mga residente ng Maynila, San Juan, Makati, Mandaluyong, at Quezon City.
• Baclaran Satellite Office (2nd Floor, Victory Mall Food Market, Redemptorist Road, Muntinlupa City) – Para sa mga residente ng Pasay, Las Piñas, Parañaque, at Muntinlupa.
• Pasig Satellite Office (2nd Floor, Lianas Supermarket, Caruncho Avenue, Brgy. Palatiw, Pasig City) – Para sa mga residente ng Pasig, Taguig, Marikina, at Pateros.
• CAMANAVA Satellite Office (3rd Floor, 999 Shopping Mall, Gen. Luna St., Brgy. 16 Poblacion, Caloocan City) – Para sa mga residente ng CAMANAVA area (Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela).
Bukas ang mga satellite office mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 AM hanggang 5:00 PM upang tumanggap ng mga aplikasyon at requirements.
Pinaalalahanan ng DSWD ang publiko na dumiretso lamang sa kanilang opisyal na tanggapan upang maiwasan ang panloloko ng mga fixer at tiyakin ang tamang proseso ng aplikasyon.