
Idineklara kahapon ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon, sa pamamagitan ng City Health Department (QCHD), ang dengue outbreak dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso sa lungsod.
Kasabay nito, inatasan at pinakilos ni Mayor Joy Belmonte ang lahat ng assets at resources ng lokal na pamahalaan upang matiyak na ang mga programa at serbisyong pangkalusugan ay madaling ma-access ng publiko, na may layuning pigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit.
“Ang deklarasyon ng dengue outbreak ay isang hakbang upang tiyakin na may sapat tayong aksyon laban sa sakit na ito. Sisiguraduhin nating mapoprotektahan ang ating mga residente, lalo na ang mga bata,” pahayag ni Mayor Belmonte sa isang media conference.
Batay sa ulat ng City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) ng QCHD, mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2025, umabot na sa 1,769 ang naitalang kaso ng dengue, na halos 200% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Sa kabuuang bilang, 58% ng mga kaso ay mga batang may edad 5 hanggang 17 taong gulang, habang 44% naman ay mga batang may edad 1 hanggang 10 taong gulang. Dahil dito, muling pinaalalahanan ng alkalde ang mga magulang na maging mapagmatyag sa kalagayan ng kanilang mga anak at aktibong makilahok sa clean-up drive upang mapuksa ang pinamumugaran ng lamok na nagdadala ng sakit.