
INARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang ina na sangkot sa sekswal na pagsasamantala sa apat niyang menor-de-edad na anak sa Angeles, Pampanga.
Ayon sa NBI, ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act) at Republic Act 9208, na inamyendahan ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act).
Batay sa impormasyon na natanggap ng Human Trafficking Division (HTRAD) ng NBI, ang mga suspek ay sangkot sa paglikha at pagbebenta ng Child Sexual Abuse Materials (CSAMs) at live-streaming ng mga sekswal na aktibidad, na ibinebenta sa iba’t ibang online platforms.
Noong Pebrero 3, 2025, nakakuha ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) mula sa Angeles Regional Trial Court ang NBI-HTRAD. Samantala, noong Pebrero 6, ikinasa ang entrapment operation, kung saan nahuli sa aktong iniaalok ng isa sa mga suspek ang apat niyang anak para sa live-streaming ng sekswal na aktibidad. Dahil dito, agad siyang inaresto ng mga operatiba ng NBI-HTRAD gamit ang WSSECD.
Sa operasyon, walong menor-de-edad ang nailigtas, kabilang ang apat na anak ng pangunahing suspek.
Sa isinagawang initial forensic examination sa mga nakumpiskang electronic devices ng mga suspek, natuklasan ang chat logs ng mga transaksyon sa pagbebenta ng mga bata. Ayon sa imbestigasyon, ang bawat bata ay iniaalok sa halagang USD 50, at dahil apat ang nasa live-stream, umaabot sa USD 200 ang kinikita ng suspek, na agad na ipinapalit sa pera sa pamamagitan ng PayPal.