


Mga kaps, handa na ba kayo sa isang nakakakilig at nakakatawang pelikula ngayong buwan ng mga puso? Ang real-life celebrity couple na sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado ay magbabalik sa big screen sa kanilang unang pelikula bilang mag-asawa—ang romantic-comedy na ‘Everything About My Wife’. Mapapanood ito sa mga sinehan sa buong Pilipinas simula Pebrero 26, ayon sa anunsyo ng CreaZion Studios.
First time ito ng ‘Jen-Den’ bilang mag-asawa, at nagsisilbing reunion project nila after 4 years!
First project ito ng mag-jowa este mag-asawang Dennis at Jennylyn matapos silang ikasal, at reunion movie rin nila pagkatapos nilang magkasama sa 2020 Kapuso anthology na ‘I Can See You: Truly, Madly, Deadly’. Grabe, tagal nilang pinaghintay ang mga fans, ‘di ba? Pero mukhang worth it ang paghihintay dahil mukhang riot ang pelikulang ito!
Sa direksyon ni Real Florido, tampok din sa pelikula ang isa sa mga favorites ko na si Sam Milby, na magdadagdag ng init at intriga sa love story nina Dennis at Jennylyn.
Ang ‘Everything About My Wife’ ay isang kwento ng pag-ibig, away, at pa-fall na planado.
Sa pelikula, gagampanan ni Dennis si ‘Dom’ at si Jennylyn naman si ‘Imo’ — isang mag-asawang nagsimula sa puro kilig at pagmamahal, pero kalaunan ay nagka-windang-windang dahil sa mga conflict sa kanilang relasyon.
At dahil desperado si Dom na maayos ang kanilang pagsasama, humingi siya ng tulong sa isang certified womanizer na si Miguel (ginagampanan ni Sam Milby) para ligawan si Imo—yes mga mars, nagpa-third party siya ng bongga! Pero heto ang twist: nahulog si Miguel kay Imo, at nang mabuking ni Imo ang plano, nasaktan siya at nagdesisyong lumayo kay Dom. Pak! Ang drama!
Pero siyempre, hindi mawawala ang feels—dahil kahit anong gulo, love pa rin ang nagdadala sa kanilang dalawa pabalik sa isa’t isa. Ayiiiie!
Ang ‘Everything About My Wife’ ay adaptasyon ng isang international hit movie nung 2008 Argentine film na ‘Un Novio Para Mi Mujer (A Boyfriend for My Wife)’ na nagkaroon na rin ng versions sa South Korea, Mexico, Chile, Italy, India, at Spain. Sa Korean adaptation nito, bumida ang yumaong Lee Sun-kyun ng ‘Parasite’, kasama sina Im Soo-jung at Ryu Seung-ryong ng ‘Miracle in Cell No. 7’.
Ngayon, sina Dennis at Jennylyn naman ang magbibigay-buhay sa kwento, with their own Pinoy twist na siguradong relatable at nakakatawa para sa ating lahat.
Kung sa bagay, hindi na nakakapagtaka na magaling ang tambalang ito. Certified award-winning ang couple na ito na sadyang super busy sa kanilang mga upcoming projects. Dennis just bagged the ‘Best Actor’ award sa Metro Manila Film Festival 2024 para sa pelikulang ‘Green Bones’. Busy rin siya sa mga upcoming shows tulad ng ‘Severino: The First Serial Killer’ at ‘Sanggang Dikit’, kung saan makakasama rin niya si Jennylyn.
Si Jennylyn naman, fresh from her last teleserye na ‘Love. Die. Repeat’, with Xian Lim, at ngayon ay bumabalik sa big screen para muling magpakilig sa kanilang mga fans.
Bukod sa pagiging unang pelikula nila bilang mag-asawa, ito rin ang kanilang unang pelikula together after 14 years mula sa kanilang 2010 period film na ‘Rosario’. Reunited din si Jennylyn at Sam Milby, na huling nagkatrabaho sa 2015 rom-com na ‘The Prenup’.
Markahan na ang inyong mga kalendaryo, mga nini. Siguraduhing may date ka na (o kung wala, okay lang, self-love muna) dahil ang ‘Everything About My Wife’ ay mapapanood na sa mga sinehan nationwide simula Pebrero 26.
Ready na ba kayo sa halu-halong feels—kilig, tawa, at iyak? Tara na at suportahan ang Dennis-Jennylyn comeback sa pelikulang ito!
‘Yun na!
