


IKATLO’NG taon na ng Barako Fest na ginanap sa Lipa City, Batangas sa pamumuno ng Mentorque Productions CEO na si Bryan Dy (Diamante).
At sa tuwina, umuuwing may mga ngiti sa labi, hindi lang ang mga Lipeño kundi pati na rin ang mga nagsisi-dayo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa punto ng turismo para rin sa kapakanan ng kabuuan ng bayan ng Batangas, maibibilang na ngayon ang Barako Festival sa mga maipagmamalaking selebrasyon sa bansa.
Buong akala ng marami nang simulan ito, ay tungkol lang sa kape’ng barako ang iikutan ng tila kapistahan ng kaganapan taon-taon.
Pero gaya ng sinabi ng nagbabalik sa kanyang pagsisilbi bilang Ina ng Batangas na si Star for All Seasons Vilma Santos, marami na ang nalalaman ng mga tao sa iba pang maipagmamalaki sa nasabing bayan.
At napakalaki ng partisipasyon sa tuwona ng pamilya ni Ate Vi, mula sa kanyang asawa na si Finance Secretary Ralph Recto. Na pinaiigting pa ng pagtutulungan ngayon ng sasabak na rin sa pulitika bilang katuwang niya bilang Bise-Gobernador ng bayan na si Luis Manzano. At ang bunso naman na si Ryan Christian sa pagka-Congressman ng ika-anim na distrito.
Agad nga na tanong sa kanila ay may kinalaman sa political dynasty. Na agad naman nilang sinagot. Na hindi sila naaapektuhan dahil marami na nga ang tinapunan ng gayong komento pero ang pruweba na nga lang ay sa kung ano ang resulta sa kanilang pagsisilbi.
Naririto sila para magsilbi. Kasama ang kanilang team na iisa ang layunin para sa kanilang mga kababayan.
Mayor. Gobernador. Taon na ang binilang ng itinuring na ngang Ina ng mga Lipeño at ng Batangas na si Ate Vi sa naging mga katungkulan niya sa mga Batangueño. Kaya sa hiling ng bayan na pagbabalik niya, sasamahan siya ng mga anak sa pagsusulong ng ibayong serbisyo nila para sa lahat.
Ipinamalas sa tatlong araw ng walang patlang na kasiyahan ng katuwang ng Mentorque na CSW (Construction Workers Solidarity) Talino at Puso at 107 Angkas Sangga Party List na totoo ang magic word ng grupo na TEAMWORK. Sa lahat ng aspeto.
At habang nagdaraan ang mga taon, paigting ng paigting at parami ng parami ang mga sumasama at sumusuporta sa Barako Festival.
Kasabay nito ang pag-uland ng mga proyektong nagpapatuloy sa pag-usad. Mga daan na nagdurugtong na sa mga karatig bayan. At ang pinasinayaan sa idinaos na ground-breaking project para sa nagsimulang ideya ni Secretary Ralph na The Bean at Barako Triangle na makapagbibigay ng hanapbuhay sa maraming tao kapag naitayo na. Isa itong multi-purpose building na matatagpuan sa Barangay Balintawak na tatawaging Barako Triangle sa sentro ng Lipa.
Aminado si Luis na isang malaking hamon ang pagsagot niya sa hiling ng ina na pagtakbo sa pulitika na makailang beses niyang iniyakan sa maybahay na si Jessy Mendiola.
May malaking kapalit. Mga bagay na tatalikuran sa karera niya bilang isang host at artista. Pero sa nakita na niyang nagawa ng ina sa paninilbihan, doon naman lumakas ang loob niya.
Natamo ni Sir Bryan ang goal niya sa ikatlong BarakoFest. Na mas marami ang mapasaya. Kaya magiging taunang selebrasyon na ito. Sa tulong at suporta prin ng kung tawagin niya ay kanyang mga ‘Boss?’
