





Parang telenovela ang pinagdadaanan sa pagbalik sa politika,” ito ang pahayag ni Direk Lino Cayetano sa muli niyang pagsabak sa politika ngayong 2025.
Balik-politika na ang director at producer na si direk Lino na tatakbo bilang kinatawan ng Taguig sa Kongreso sa halalan ngayong Mayo 2025.
At kaya niya nasambit na parang telenovela ang kwento ng dinadaanan niya sa kanyang kandidatura ay dahil iba ang sinusuportahan ng kanyang kapatid na si Senator Alan Cayetano.
Aminado ang bunsong Cayetano na nagulat siya nang dalawang beses siyang magbigay daan sa kagustuhan ng kanyang hipag na si Laarni ‘Lani’ Lopez Cayetano na bumalik sa puwesto bilang Mayor ng Taguig City noong 2022 at ngayong 2025.
Inaasahan niyang susuportahan siya ng kanyang kapatid sa kanyang desisyon na tumakbo bilang kongresista ngunit iba ang naging kinalabasan.
“Naniniwala ako na maganda ang intensyon namin pareho ni Mayor Lani at Kuya Alan, pero may mga tao talagang may sariling interes na pilit kaming pinag-aaway.
“Kilala ako bilang independent-minded sa aming magkakapatid at hindi basta-basta sumusunod. Pinag-aaralan ko ang bawat desisyon,” sabi ni direk Lino sa intimate mediacon na handog ng Regal Entertainment producers na sina Roselle Monteverde at anak nitong si Attorney Keith Monteverde.
Hinangaan ang Taguig noong pandemya at tinaguriang Model City ng DOH, MMDA, at ng private sector. Bukod sa health centers at drive-thru testing ay nanguna ang Taguig sa pagbabakuna at naging isa sa mga nanguna sa pagbabalik ng mga sinehan at pagbangon ng industriya ng entertainment.
Sa industriya ng pelikula, kilala si direk Lino bilang isang producer na naniniwala sa partnerships.
Ang kanyang kumpanyang Rein Entertainment, ay nakipag-partner na sa ABS-CBN, iflix, GMA, VIVA, at ngayon sa Regal Films para sa pelikulang ‘Caretakers’.
“Naniniwala ako sa kahalagahan ng partnerships. Noong panahon ng pandemya, naging partner ko ang ilang mga mayor na hindi ko kasama sa politika. Bilang producer, saksi ako na kahit ang mga magkakaribal na produksyon ay nagsama-sama para sa ikabubuti ng nakararami,” sabi ni Lino.
Tulad ng kanyang upcoming horror movie na ‘Caretakers’, na pinagbibidahan nina Iza Calzado at Dimples Romana, na idinirek ni Shugo Praico ay naniniwala siya na sa huli, lahat tayo ay dapat magtulungan.
“Kasi lahat ng ginagawa natin—ginagawa natin hindi lang para sa atin kundi para sa susunod na henerasyon,” saad ng direktor cum politiko.
* * * * * * *
Ang mainit na pinag-uusapang seryeng ‘Saving Grace: The Untold Story’ na napapanood dati sa Prime Video ay mapapanood na sa free TV simula sa Marso 3 sa Kapamilya Online Live, A2Z, TV5 at iWantTFC at TFC.
Kung ang ‘Incognito’ ay nagna-number 1 sa Netflix ay gayun din ang ‘Saving Grace’ sa Prime Video.
Ang ‘Saving Grace: The Untold Story’ ay Philippine adaptation ng Japanese series ‘Mother’ na produced ng Nippon TV at sinulat naman ni Yuki Sakamoto ang script.
Ang ‘Saving Grace’ ay kuwento ng isang teacher na si Anna (Julia Montes) na na-involve sa isa niyang estudyante na si Grace, (Zia Grace).
Tinulungan ni Anna si Grace na may pinagdadaanang pang-aabuso sa tunay niyang ina (Jennica Garcia).
Ang official trailer ng ‘Saving Grace: The Untold Story’ ay ni-release na ng Prime Video at ang mga bida ay sina Janice de Belen, Sam Milby, Christian Bables, Elisse Joson, Eric Fructuoso at Megastar Sharon Cuneta mula sa direksyon ni FM Reyes at Dolly Dulu.
