

Sobrang nakaka-relate ang magaling at award-winning actress na si Dimples Romana sa kanyang role sa pelikulang “Caretakers” na produksyon ng Regal Entertainment at Rein Entertainment. Sa bagong masterpiece na ito ni Shugo Praico (Nanahimik Ang Gabi), ginagampanan niya ang papel ni Lydia, isang katiwala sa isang lumang bahay na gagawin ang lahat para ipaglaban ang karapatan nila sa pananatili sa nasabing ancestral home. “Kapag naman nanay ka, gagawin mo ang lahat para sa kapakanan ng mga anak mo. May mga bagay na akala mo, hindi mo magagawa o kayang gawin, pero pag naroon ka na sa sitwasyon at nanaig iyong pagmamahal mo sa iyong mga anak, gagawin mo ang lahat para protektahan sila o ipaglaban, “aniya. Aniya, may pagkakahawig din daw ang kanilang karakter ni Lydia sa kanyang real life persona. “Iyong karakter ko, tatlo ang anak niya. In real life, I also have three kids. As a mother, she’s also nurturing at protective sa kanyang mga anak. I think, it’s mother’s instinct naman,” paliwanag niya.”If there’s one role that I am proud of, it’s my role as a mother. I enjoy my role as a mother and I will forever be a mother to my kids, ” paliwanag niya.
When it comes to parenting, nag-aadjust din daw siya sa kanyang mga anak. ” Bilang ina, kailangan mong ibalanse ang pakikitungo mo sa mga anak mo dahil iba-iba ang kanilang mga ugali na para sa akin ay wala naman talagang mali o tama sa pagiging magulang, ” esplika niya. “Tulad na lang noong panganay ko, she’s quiet but deep. Si Alonzo naman he’s more of a talker and that’s his biggest strength.Si Elio naman, he connects with me through play. So, iba-iba talaga,”dugtong niya. Gayunpaman, gusto raw niyang maging happy at independent ang kanyang mga anak habang nasa kanilang poder ng mister. “Like it or not, iiwan din naman tayo ng mga anak natin. It’s either na mag-aasawa sila o they will pursue their dreams. That’s the time you let them fly and be independent. You let them commit mistakes and learn from their own experiences. Kaya, as much as possible, I want them to experience the best habang nasa amin pa sila,”pahayag niya. Gayunpaman, kahit mom na raw siya for almost 21 years ay marami pa rin siyang natutunan sa pagiging ina. “Habang buhay ka naman, iyong pagiging ina mo, hindi nawawala iyong role na iyon sa mga anak mo. You also learn from your children and you should continue to evolve. Lalo na ngayon na iba na ang henerasyon ng mga kabataan,” hirit niya.
Flattered naman si Dimples dahil first time niyang nakatrabaho isang de-kalidad na pelikula ang magaling na si Iza Calzado sa “The Caretakers.” “The only time na nagkasama kami ay sa Dreamscape na “Muling Buksan ang Puso” sa ABS-CBN. I played the role of young Susan Roces while Iza played the role of young Pilar Pilapil,”pagbabalik-tanaw niya. “It’s always a pleasure na makatrabaho rin who share the same thoughts and sentiments sa iyo when it comes a lot of things like motherhood and parenting, “pahabol niya. Malaking challenge rin para kay Dimples ang gumawa ng horror movies bagamat nakagawa na siya ng kaparehong genre in the past. “It’s physically taxing. Iyong mga eksena namin sa basement, nahirapan ako. Maliit kasi iyong space and I really have to fit, so ang hirap gumalaw. Actually, sumakit ang balakang ko. Pero kapag kasi you share the same energy sa co-star mo na very professional, how could you complain?” esplika niya.
Aminado rin siyang minsang kinilabutan siya sa ancestral house na location ng kanilang movie. “Naniniwala rin kasi ako sa mga elemento. Malakas ang pakiramdam ko sa kanila. Kaya nga, everytime na pumapasok kami roon sa ancestral house, nagpapatabi po ako at sinasabayan ko ng dasal. Baka kasi magambala sila,”pagtatapos niya. Ang “The Caretakers” ay tumatalakay sa kuwento ni Lydia (Romana), isang caretaker na lumaki sa isang rural ancestral house na naging kumplikado ang buhay sa pagsulpot ni Audrey (Calzado), isang mayamang babae na naghahabol sa nasabing ari-arian. More than a horror film, may mahalagang mensahe rin ito tungkol sa kalikasan. Palabas na sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Pebrero 26, tampok din sa kakaibang horror movie na ito sina Marco Masa, Erin Espiritu at Inka Magnaye.
