
Isang driver ang nasawi matapos bumangga sa railings at tuluyang masunog sa loob ng kanyang sasakyan sa Skyway, northbound ng Barangay Western Bicutan, Taguig City, Lunes ng gabi.
Batay sa inisyal na ulat ng Regional Highway Patrol Unit-National Capital Region (RHPU-NCR), self-accident ang naging sanhi ng insidente, kung saan nasawi ang hindi pa natutukoy na driver.
Dakong alas-11:49 ng gabi nang mapansin ng isang security guard ang mabilis na sasakyan bago ito bumangga sa center island. Dahil sa tindi ng impact, bumaligtad ito, tumama sa traffic cones, at tuluyang nawasak nang sumalpok sa konkretong poste.
Dahil dito, biglang nag-apoy ang sasakyan, dahilan upang hindi makalabas ang biktima at tuluyang masunog sa loob ng sasakyan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Taguig City Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang iba pang detalye ng insidente.