


Sa isang mundong baliw na baliw sa ari-arian at materyal na yaman, ‘The Caretakers’, ang pinakabagong eco-horror film ni Shugo Praico, ay isang nakakapanindig-balahibong paalala sa ating ugnayan sa kalikasan. Sa produksiyon nina Lino Cayetano, Philip King, at Praico sa ilalim ng Rein Entertainment, katuwang ang Regal Films, ang pelikulang ito ay hindi lang basta pampagulat—ito ay isang makapangyarihang pagmumuni-muni tungkol sa ating responsibilidad sa lupa, pagmamahal sa pamilya, at mga hindi nakikitang puwersang humuhubog sa ating buhay.
Sa backdrop ng mala-horror pero breathtaking na ganda ng San Miguel, Bulacan, susundan natin ang kwento nina Audrey (Iza Calzado) at Lydia (Dimples Romana), dalawang ilaw ng tahanan na nagsasagupa para sa isang piraso ng lupa. Si Audrey, isang taga-lungsod, ay bumalik upang angkinin ang minanang ari-arian ng kanyang asawa, habang si Lydia, na matagal nang nag-aalaga ng lupaing ito, ay ayaw itong bitiwan dahil dito na lumaki at namuhay ang kanyang pamilya. Pero habang umiinit ang kanilang banggaan, isang hindi nakikitang puwersa ang unti-unting nagpaparamdam—at ang dala nito ay mas matinding hilakbot kaysa sa kanilang inaakala.
Ang ‘The Caretakers’ ay hindi lang basta-basta horror film. Hindi lang ito tungkol sa mumu at paranormal na pangyayari—ito ay tungkol sa mas malalalim na puwersang hindi natin agad napapansin sa ating buhay.
Sabi nga ni Dimples Romana, “The bigger message really here is how a protective kind of love is all over us everywhere we go. It’s so important that we always acknowledge na hindi lang tayo ang nananahan dito sa mundong ito. Let’s take care of our environment.”
Ramdam na ramdam din ni Iza Calzado ang mensahe ng pelikula. “In this movie, it is really clear that the message is that we are merely ‘caretakers’ of this earth for the next generation. Let us respect and honor Mother Earth in the best way we can.”
At hindi lang ito basta sabi-sabi! Mismong sa paggawa ng pelikula, sinigurado ng buong team na eco-friendly at walang sayang. Proud na ibinida ni Dimples: “We want to proudly say, on behalf of Rein Entertainment and Regal Films, this is actually a movie that was shot with zero waste. As we take care of our environment.”
Pero bukod sa usaping pangkalikasan, ang pelikulang ito ay isang kwento rin ng pagiging ina—ng init at tapang na kaakibat nito. Parehong mothers sa totoong buhay, sina Iza at Dimples ay nagbigay ng makapanindig-balahibong pagganap na siguradong tatatak sa puso ng manonood.
Ramdam nila ang isa’t isa sa bawat eksena. Sabi ni Iza tungkol kay Dimples: “Dimples has this wealth of experience on being a mother. This woman works hard. And I admire Dimples for that.”
At hindi nagpahuli si Dimples sa pagbibigay-pugay sa kanyang co-star: “Much as Iza thinks I get to help her on motherhood, what she doesn’t know is that she’s actually helping me heal all of my frustrations that have already accumulated over time. I have been renewed as a mother because of Iza’s new energy. That’s why I thank you, Mama.”
Ang kanilang chemistry on set? Walang keme, puro pagmamahalan. “Iza and I worked as a team on this film. Nobody wanted to outshine one another. Ang sarap magsayaw ‘pag ang kasayaw mo hindi nananapak ng paa,” ani Dimples.
Kung akala mo madali lang ang paggawa ng ‘The Caretakers’, aba, you’re so wrong, sis! Isang eksena lang, halos umurong na ang atay ni Dimples dahil sa takot!
Isa sa pinaka-intense na eksena ay ang exorcism scene, kung saan kinailangan niyang ma-harness at itaas sa ere. At kung hindi mo pa alam—takot siya sa heights!
“Nung iha-harness na ako, it’s not easy for me. Kase, takot po ako sa heights, pero kase may mga bagay kang lulunukin para sa trabaho talaga,” kwento niya.
Isa pang dahilan kung bakit espesyal ang pelikulang ito ay dahil isa ito sa mga huling proyektong pinayagan at sinuportahan ng yumaong Mother Lily Monteverde, ang matriarka ng Regal Entertainment. Kilala si Mother Lily sa kanyang husay sa pagpili ng mga kwentong may lalim at kabuluhan, kaya’t isang malaking karangalan na isa siya sa nagbigay basbas sa ‘The Caretakers’.
Kung hanap mo ay isang pelikulang hindi lang pampagulat kundi panglaman ng puso’t isipan, ‘The Caretakers’ ay para sa’yo. Sa mala-mahikang cinematography ni Odyssey Flores (‘Magnifico’, ‘Ma’ Rosa’) at immersive production design ni Roma Regala (‘Buy Bust’), ito ay isang pelikulang hindi mo malilimutan at hindi dapat palampasin.
Mas matindi pa sa multo ang mensaheng dala ng pelikula: hindi tayo ang tunay na may-ari ng mundong ito. Tayo ay mga tagapag-alaga lamang. At kung pababayaan natin ang kalikasan, may paraan itong ipaalala sa atin kung sino talaga ang tunay na makapangyarihan.
Kaya friend, huwag ka nang magpabebe—manood ka na ng ‘The Caretakers!’ ngayong Pebrero 26 na sa mga sinehan nationwide!
‘Yun na!
